TULONG-tulong ang mga organisasyong itinatag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, ang SMNI Foundation Incorporated, Sonshine Philippines Movement, at Children’s Joy Foundation upang ihatid ang mga relief goods at pagtulong na nagkakahalaga ng P2 milyon.
September 25, 2022, Linggo, nang hagupitin ng Super Typhoon Karding ang ilang bahagi ng Luzon.
Dahil sa anunsyo na ito, labis ang naging pangamba ng mga lalawigang tatamaan ng bagyo.
Maging si Pastor Apollo ay nanalangin na hindi na maulit pa ang katulad ng storm surge na naganap sa panahon ng Bagyong Yolanda na kumitil ng di mabilang na buhay.
Nag-landfall nga ang Bagyong Karding, at laking pasasalamat naman ng mga taga-Aurora at Maynila na hindi nangyari ang nakahihindik na scenario na katulad ng sa Yolanda.
Gayunpaman, ang malakas na pag-ulan na dala ng bagyo ay nagdulot ng pagbaha sa mga dako ng Nueva Ecija at San Miguel, at 5 rescuers nga ang nagbuwis ng kanilang buhay upang maisalba ang maraming kababayan.
Pagsapit ng Lunes, ang SMNI Newsteam ay kasama ng NDRRMC at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na umikot upang alamin ang naging pinsala ng bagyo.
Ang baha sa Nueva Ecija at Bulacan ay nagdulot ng malaking pinsala sa mga pananim at kabuhayan ng ating mga kababayan doon.
Sa nakita ni Pastor Apollo na pag-ikot ng Pangulo at sa balita na hatid ng SMNI, ay agad na pinakilos ng butihing Pastor ang mga volunteers ng kaniyang mga humanitarian organizations.
Araw ng Martes ay nakipag-ugnayan nga ang mga volunteers at magdamag na inihanda ang tulong na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso para sa ating mga kababayang nangangailangan.
Pagsapit ng madaling araw ng Miyerkules, Setyembre 28 ay tumulak na patungong Nueva Ecija ang mga volunteers.
Pag-asa at bagong umaga ang hatid ng mga ito sa ating mga kababayan sa Jaen, Nueva Ecija.
Kilala ang mga organisasyon na itinatag ni Pastor Apollo C. Quiboloy katulad ng SMNI Foundation Incorporated, Sonshine Philippines Movement, Keepers Club International at Children’s Joy Foundation na pinaka-organisado kung mamigay ng relief.
Balde-balde ng relief goods na naglalaman ng mga bigas, de lata, condiments, dry goods, mga pagkaing pambata, mineral water ang tulong na hatid ni Pastor Apollo.
Bukod sa relief goods, laging layunin ng mga volunteers na maibsan ang kalungkutan na dinaranas ng ating mga kababayan na biktima ng mga sakuna.
Matapos na maghatid ng kasiyahan sa Jaen Nueva Ecija ay tumulak naman ang mga volunteers patungong San Miguel, Bulacan.
Walang pahinga ngunit puno ng kasiyahan ang mga volunteers ni Pastor Apollo C. Quiboloy na hinarap ang ating mga kababayan sa San Miguel, Bulacan.
Katulad ng tulong na inihatid sa Nueva Ecija ay ganun din ang tinanggap ng ating mga kababayan sa San Miguel, Bulacan.
Sa pagka-organisado at kooperasyon ng ating mga kababayan, nagmistulang Christmas party ang pamamahagi ni Pastor Apollo ng relief na hatid ng mga volunteers.
Hindi lamang relief goods kundi kasiyahan ang hatid ng mga volunteers ng SMNI upang sa ilang sandali ay kanilang malimutan ang kanilang mga lumbay.
Ika nga, resilient ang mga Pilipino, at kapag tayo ay nagbubuklod at kapit-bisig, malalampasan natin ang ano mang unos.
Sama-samang binugkos ng pagmamahal ang mga organisasyong itinatag ni Pastor Apollo C. Quiboloy upang tumulong sa ating mga kababayang nasalanta ng Bagyong Karding.
Ang Keepers Club International ay itinatag para sa mga kabataan na nagbago ang buhay at tumalikod sa droga at komunismo; ang Children’s Joy Foundation na nag-aaruga sa mga batang wala nang mga magulang; ang Sonshine Philippines Movement na nangangalaga sa ating Inang Kalikasan at ang SMNI Foundation na handang tumulong sa panahon ng kalamidad at pangangailangan.
Sila at ang mga tapat na tagasubaybay ng SMNI, kaisa si Pastor Apollo C. Quiboloy upang magbigay ng pag-asa at liwanag sa panahon ng lumbay at pangangailangan.
Patuloy ang paghahatid ng tulong ni Pastor Apollo, at kasunod nga nito ay maghahatid naman ng tulong ang butihing Pastor sa mga pamilya ng mga bayaning rescuers na nagbuwis ng kanilang buhay.