PASADO alas-10 ng umaga ng Miyerkules, sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagdinig sa petisyong inihain ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).
Ang petisyong ito, na inihain pa noong 2023, ay humihiling ng P5 dagdag sa minimum na pasahe at P2 dagdag sa bawat kilometro.
Ngunit habang nakabinbin pa ang petisyon, napagdesisyunan ng tatlong grupo na P2 provisional increase na lamang ang hilingin sa LTFRB upang kahit paano ay makabawi ang mga tsuper at operator sa epekto ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
“Bakit ganon ang aming ginawa? Kasi baka mamaya ay bumaba ng bumaba ‘yung diesel, madali naming ibaba rin. So, either kahit piso ay payag na kayo? Okay na rin sa amin ‘yun para kahit papaano ay madaragdagan ng kaunti ‘yung nawalang kita sa driver at mapunan,” saad ni Boy Vargas, President, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines.
Maghahain ang tatlong grupo ng supplemental petition para sa kanilang naunang hiling na dagdag-pasahe, at isasama rito ang kahilingan para sa P2 provisional increase.
May 10 araw silang hinihiling mula sa LTFRB upang maisumite ang kanilang supplemental petition.
“Dati nung nag-file kami, binigyan kami ng provisional increase na piso kaya naging 12. Binigyan kami ng 1 kaya naging 13. Ngayon, kung bibigyan kami ng 1 ulit, magiging 14,” ani Vargas.
Sa ngayon, umaabot sa P200 ang nalulugi sa kita ng bawat tsuper kada araw, kaya nananawagan ang grupo na aprubahan na ng LTFRB ang kanilang petisyon.
Ayon sa LTFRB, posibleng sa Abril pa mailabas ang desisyon kaugnay ng hirit na taas-pasahe ng tatlong grupo.
Paliwanag ng LTFRB, kailangan munang pag-aralan ang epekto nito sa mga komyuter, operator, at ekonomiya sa pangunguna ng National Economic and Development Authority (NEDA).
“Ang pinag-aaralan namin ay may P10,000 na fuel subsidy na binibigay namin, which is a buffer sa pagtaas ng gasolina. Ang ipinagtataka lang namin, mayroon na ngang subsidy na P10,000, bakit pa nila kailangan mag-file ng petition? Kailangan din namin ang opinyon ng NEDA kasi ang ganitong pagtaas ng pasahe ay may kaakibat na inflation at pagtaas ng mga bilihin na posibleng makaapekto sa ekonomiya,” saad ni Asec. Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.
Grupong FEJODAP, binawi ang petisyon sa taas-pasahe
Sa parehong araw, humarap din sa pagdinig ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) upang bawiin ang kanilang naunang petisyon para sa taas-pasahe.
“Naiintindihan natin ngayon ‘yung hirap na dinaranas ng mamamayan—may food crisis, may political crisis tayo. Ito ang naisip namin na iatras ang hiling namin na dagdag-pasahe. Sa ngayon, talagang nararamdaman namin, pero inuuna natin ang kapakanan ng mamamayan at natitiis pa naman namin sa ngayon,” ani Deo Sotto, Chairperson, FEJODAP.
Gayunpaman, sinabi ng FEJODAP na kung patuloy na tataas ang presyo ng langis, posibleng muling maghain sila ng petisyon para sa dagdag-pasahe.
LTOP, tutol sa hirit na taas-pasahe ng tatlong grupo
Samantala, tutol naman ang Liga ng mga Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) sa hiling na taas-pasahe ng Pasang Masda, ALTODAP, at ACTO.
Ayon kay LTOP President Lando Marquez, hindi ito ang tamang solusyon sa problema ng sektor.
“Ang aking aircondition na jeep sa Makati, ang pamasahe namin ay P15, pero idineklara naming P13 para lang mabuhay kami. Bakit? Kasi ‘yung aming aircondition na ruta sa Makati ay tinambakan ng mga bus,” wika ni Lando Marquez, President, LTOP.
Sa halip na taas-pasahe, mas makabubuti aniya kung babawasan ng gobyerno ang buwis sa langis, na siyang nagpapataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Hinimok din ng grupo na bawasan ang bayad sa multa sa ilalim ng Joint Administrative Order na ginagamit umano ng ilang traffic enforcer bilang “gatasan” ng mga pampublikong sasakyan.
Follow SMNI News on Rumble