P221.4-M confidential funds para sa OVP, may legal na batayan—OES

P221.4-M confidential funds para sa OVP, may legal na batayan—OES

MAY legal na batayan ang P221.4-M confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) ayon sa Office of the Executive Secretary (OES).

Ipinagtanggol ng OES ang legal na batayan para sa desisyon ng Office of the President (OP) na ilabas ang P221.424-M confidential fund sa opisina ni Vice President Sara Duterte noong nakaraang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng OES na ang kumpidensiyal na pondo ay inilabas bilang pagsunod sa Special Provision No. 1 sa ilalim ng 2022 Contingent Fund.

Ito’y nagpapahintulot sa Office of the President (OP) na aprubahan ang releases upang masakop ang funding requirements ng mga bago o agarang aktibidad na kinakailangang ipatupad.

Ang pondo ay “chargeable against the Fiscal Year 2022 Contingent Fund.”

Si VP Sara, na bagong halal noon, ay nangangailangan ng pondo para sa kaniyang mga bagong programa para sa natitirang panahon ng 2022.

Binigyang-diin din ng OES na nakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pangangailangang ilabas ang pondo bilang suporta sa inisyatiba ni Vice President Duterte, sa rekomendasyon ng Department of Budget and Management (DBM).

Una nang hiniling ng tanggapan ni VP Sara sa OP na maglabas ng P221.424-M para sa maintenance operating and other expenses (MOOE) items tulad ng Financial Assistance/Subsidy na nagkakahalaga ng P96.424-M at Confidential Funds (para sa mga bagong likhang satellite offices) sa halagang ng P125.0-M.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble