P24-B wage subsidy para sa 1-M minimum wage workers, nirerekomenda ng DOLE

P24-B wage subsidy para sa 1-M minimum wage workers, nirerekomenda ng DOLE

INIHAYAG ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbigay na ng rekomendasyon sa tanggapan ng Pangulo ang kagawaran ng P24-B na wage subsidy para sa isang milyong minimum wage workers.

Ito’y bilang tulong sa mga manggagawang minimum wage earner.

Nilinaw ng DOLE na habang pinoproseso pa ang mga petisyon kaugnay sa wage increase ay kinokonsidera muna ngayon ng Malakanyang ang mga makukuhang tulong  ng mga manggagawa sa mga  nirerekomenda ng DOLE na  P24-B na wage subsidy para sa isang milyong  minimum wage workers.

Sa presentation sa Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ipinaliwanag  ni  DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay sa presidente ang mga  panukala hinggil sa wage subsidy para sa mga minimum wage earners.

“Nakikita po namin Mr. President na ang subsidiya po, wage subsidy po ay importante pa rin po sa ating manggagawang Pilipino and so Mr. President we are humbly requesting po the approval of the proposal of the Department of Labor and Employment,” ayon kay Asec. Dominique Rubia-Tutay.

Aabot sa halagang P24-B ang panukala kung saan makikinabang naman ang isang milyong manggagawa sa loob ng tatlong buwan mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon.

Ang panukala ay kasunod na rin sa mga umaaray na manggagawa dahil sa patuloy na pagtaas na mga pangunahing bilihin dulot ng Russia-Ukraine conflict.

Sa panukalang ito, maaaring makatutulong sa mga minimum wage earners habang patuloy pa rin na pinoproseso ang mga petisyon hinggil sa wage increase.

“It can be recalled Mr. President that the DOLE submitted in February 2021 proposal for wage subsidy to workers in the private sector affected by the COVID-19 pandemic and the said proposal is hinged on saving and preserving existing employment. The proposal has been supported and endorsed by the economic managers of course subject to the availability of funds,” dagdag ni Rubia-Tutay.

Sa ngayon wala pa ring matukoy ang DOLE kung saan kukunin ang pondo para sa naturang wage subsidy.

“That is something that I’m not particular kung saang specific body but definitely hindi po siya kukunin sa GAA po ng DOLE for 2022 that’s why we are requesting the Office of the President for this particular proposal to be funded,” ayon kay Atty. Benjo Santos M. Benavidez, Undersecretary, DOLE.

Samantala, aminado rin ang DOLE na  hindi agad–agad marerepaso  ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWBs) ang minumum wage dahil sa kakulangan na rin ng mga kumakatawan sa grupo.

Hiniling din ni Asec.Tutay kay Pangulong Duterte ang agarang appointment at re-appointment ng nominees para sa employers at workers sectoral representative  sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa RTWBs para sa pagsusulong ng mga petisyon na inihahain sa iba’t ibang regional wage boards na DOLE.

Sa loob kasi ng tatlong buwan na magbibigay ng subsidiya ang kagawaran sa mga manggagawa ang  mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ay mag-a-assess naman ng mga petisyon na inihain ng iba’t ibang labor groups.

“Sa ngayon Mr. President meron po tayong anim na rehiyon na nagsubmit po ng kanilang petisyon for wage increase. Walong petitions po ito at meron pong dalawang manifesto na nagre-request po ng P750 daily minimum wage increase,” ani Rubia-Tutay.

Gayunpaman kahit hindi kumpleto ang mga sectoral representative sa RTWPB ay kayang kaya pa ring umusad sa  nagpapatuloy na pag a-assess ng mga wage board sa mga inihahaing petisyon.

“Opo, kayang-kaya pa pong umusad po yun. Sana po walang either magkakasakit  o walang may ibang previous commitment sa mga sectoral representative po natin para by the time magkaroon po ng hearing ay kumpleto po sila at may forum. Pero may mga pagkakataon talaga in the past na nawawalan ng forum so it has to be repected,” ayon kay Benavidez.

Umaasa naman ang DOLE na maaprubahan ng Pangulong Duterte ang mga  naturang panukalang inilatag nito.

BASAHIN: ₱470 dagdag sa minimum wage sa NCR, isinusulong ng isang labor group

Follow SMNI News on Twitter