MAGPAPATUPAD ang Department of Trade and Industry (DTI) ng suggested retail price (SRP) sa mga sibuyas.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makontrol aniya ang presyo at matiyak ang sapat na suplay ng sibuyas sa merkado.
Ani Pangulong Marcos, iimplementa ng DTI ang P250 per kilo na SRP sa red onions, epektibo Disyembre 30.
Una nang nanawagan ang ilang mambabatas na imbestigahan ang mataas na presyo ng locally produced onions.
Ito’y lalo’t sandamakmak ang imported varieties ng sibuyas at smuggled onions sa bansa.
Samantala, sinabi pa ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan na ngayon kung paano mailalagay ang mga smuggled na sibuyas sa merkado para mabawasan ang problema sa suplay nito.
Gayunpaman, ani Marcos, may ilang legal issues na kailangang tugunan hinggil dito.
Sa kabilang banda, patuloy naman ang pagmomonitor ng DTI sa presyo at suplay ng sibuyas sa mga pamilihan.
“We will stick firmly to the recommended price. The DTI will continue to monitor. We’re trying to find ways to bring the smuggled onions that have been caught na ilagay na sa market para mabawasan ang supply problem.”
“But there are some legal issues to doing that immediately. So we’re still working on that. But we will keep the prices down by monitoring what’s happening in our palengke” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa hiwalay na pahayag ng Office of the Press Secretary (OPS), una nang inilahad ni OIC Undersecretary Cheloy Garafil na plano ng Bureau of Customs (BOC) na ibigay bilang donasyon sa Kadiwa ng Pasko ang mga nasamsam na produktong pang-agrikultura.
Kabilang dito ang mga pulang sibuyas, sa halip na itapon o sirain ang mga ito.
Sa naturang inisyatibo ng BOC, kinakailangan pa rin ang mga pagsusuri mula sa DTI at Bureau of Plant Industry.
Ito ay upang malaman kung ligtas ang smuggled onions na ito sa kalusugan ng tao at tiyaking walang batas na malalabag kapag ibinenta sa Kadiwa ang mga sibuyas.
Saad ng OPS, nasa mahigit 500 container vans na naglalaman ng mga naipuslit na produktong pang-agrikultura ang nasa mga pantalan pa mula nang kumpiskahin ng BOC ang mga ito.