INAALOK ng grupo ng mga business tycoon ang isang P267-B unsolicited proposal para sa rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nitong Lunes ng umaga, inilahad ng Manila International Airport Consortium (MIAC) sa isang media briefing ang kanilang NAIA Masterplan.
Layon ng NAIA Masterplan na doblehin ang kapasidad ng airport kada taon mula sa 31-M – 70-M pasahero.
May tatlong bahagi ang NAIA Masteplan kung saan layon nitong maitaas ang kapasidad sa 54-M pasahero kada taon sa 2025, 62.5-M pasahero kada taon sa 2028 at 70-M pasahero kada taon sa 2048.
Bahagi rin ng nasabing plano ang pagpabubuti ng overall passenger experience kabilang ang pagbawas ng oras ng pila ng mga pasahero, pagpalalawak ng terminal floor area, pagdagdag ng airfield facilities at pagpabubuti ng cross-terminal transportation sa NAIA.
Binubuo ang MIAC ng Aboitiz Infracapital, AC Infrastructure Holdings Corporation, Asia’s Emerging Dragon Corporation, Alliance Global – Infracorp Development Inc., Filinvest Development Corporation, JG Summit Infrastructure Holdings Corp at Global Infrastructure Partners.