MAY posibilidad na matatanggap na ng mga healthcare worker ngayong taon ang natitirang unpaid COVID-19 health emergency allowances na ipinangako ng pamahalaan sa kanila.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na aabot ito sa halagang 27 billion pesos.
‘’Seventy five billion kasi iyon eh, iyong total na package and nakapag-release ng mga 60 billion. So, mayroon na lang 27 billion na natitira, mababayaran na natin sila,’’ ayon kay Sec. Teodoro Herbosa.
Sa pagtalakay sa 2025 National Expenditure Program (NEP) sa Malakanyang, sinabi ni Herbosa na nasama rito ang tungkol sa pagtugon sa isyu ng hindi nabayarang emergency allowance.
Paliwanag ni Herbosa, dahil classified bilang ‘unprogrammed’ ang allowance, walang budget na inilaan para rito.
Gayunpaman, nakatanggap siya ng katiyakan mula sa Department of Budget and Management (DBM) na may ibibigay na pondo.
Ginagawa rin daw ang mga pagsisikap upang matugunan ang nasabing isyu sa loob ng taong ito.
Sa pakikipag-usap ni Herbosa kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, sinabi nitong ang badyet para sa natitirang health emergency allowance ay hindi isasama sa alokasyon sa proposed 2025 budget dahil sa posibilidad na maibigay ito sa kasalukuyang taon.
‘’Sabi ni Secretary Pangandaman, wala na doon iyong budget ng allowance. Sabi ko, “Bakit wala?” “Mukhang kaya na naming ibigay this year,” saad nito.