NAKAPAGPALABAS ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P30.1-B pondo para mabayaran ang health emergency allowance (HEA) claims ng mga healthcare at non-healthcare workers sa bansa para sa taong 2023.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, nais ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng nararapat na suporta para sa mga tinaguriang makabagong bayani, lalo na ang mga nasa larangan ng kalusugan at medikal.
Ang ipinalabas na P30.11-B pondo noong nakaraang taon ay maliban pa sa P24.19-B pondo na inilagak sa Department of Health (DOH) para sa parehong layunin noong 2022.
Para naman sa 2024, nasa kabuuang P18.96-B ang nakalaan sa ilalim ng FY 2024 General Appropriations Act.
Ang nasabing alokasyon ay nilalayong mabayaran ang health emergency allowance claims ng mga karapat-dapat na pampubliko at pribadong healthcare at non-healthcare workers.
Maaari nang magamit ang naturang pondo epektibo noong Enero 1, 2024.
Sa makatuwid, P14.88-B na lamang ang natitirang balanse mula sa kabuuang P88.14-B na kinakailangang halaga para sa pagpapatupad ng programa.
Tiniyak naman ng DBM na sisikapin nitong ilabas ang balanse, gayundin ang hindi napondohan na HEA claims na humigit-kumulang P14-B.