NASAMSAM ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC) ang P30-Million expired meat products at imported ice cream sa Caloocan City.
Pasado 2:00 ng hapon, Agosto 1, sinalakay ng mga tauhan ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Team at Bureau of Customs ang isang malaking garahe sa Petron C3 corner Tuna Street, Brgy. 28 Zone 3, Caloocan City.
Katuwang din ng ahensiya ang ilang opisyal mula sa National Meat Inspection Services (NMIS) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tumambad ang laman ng limang 40-footer na refrigerated container vans na karton-kartong expired frozen meats na noon pang 2022.
Tulad ng pata, ulo ng baboy, ribs, marinated beef, at chicken wings.
Nadiskubre din ang iba’t ibang imported ice cream mula Tsina.
Sa inisyal na imbestigasyon, aabot sa P30-M ang halaga ng iba’t ibang expired food products o nasa 70 metriko tonelada.
Paliwanag ng BOC official, bibigyan ng 15-araw ang may-ari ng mga expired frozen meat products kung ito ba ay legally imported.
Hindi rin inaalis ng BOC ang posibilidad na may koneksiyon ang may-ari nito at sa mga nauna nang operasyon sa mga cold storage na sinalakay ng ahensiya sa Meycauayan, Bulacan.
At posibleng nailabas na rin ang mga expired frozen meat products sa mga merkado.
Kung kaya’t, nababahala ang DA ukol dito lalo na hindi ito dumaan sa pagsusuri na hindi pasok sa human consumption.
Gayunpaman, tiniyak ng DA at BOC na mas palalakasin pa ang kampanya kontra smuggling alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.