MATAPOS ipatupad ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa karneng baboy, iginiit ng ilang pork retailers na mahihirapan silang ibaba sa itinakdang presyo ang bentahan nila sa karne, na maaaring magdulot ng kanilang pagkalugi.
Naglalaro sa P400 kada kilo ang halaga ng pork kasim at pigue, habang P440 naman sa pork liempo—’yan ang presyuhan ng karneng baboy sa loob ng Murphy Market sa Cubao, Quezon City.
Mas mataas ito sa itinakdang P350/kg para sa pigue at kasim, habang P380/kg naman para sa liempo ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng MSRP sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Aling Lorelie Filarca, isang pork retailer, hirap nilang ibaba ang presyo ng karne dahil napakamahal ng kuha nila mula sa supplier.
“Ang bababa ng baboy ay hindi naman ganon agad agad kung magbaba man sila ay gradual lang. So, kami naman ay naga-adjust kami kung hanggang saan ‘yung gradual na ‘yun na pagbaba. Gaya niyan, hindi kami makapagbenta ng mga bones at mga pata. So, kukunin namin sa P380 o sa P350 kumbaga tabla talo as in wala talagang tubo,” paliwanag ni Lorelie Filarca, Pork Retailer.
Nasa P310/kg ang sabit ulo na binibigay sa kanila ng mga dealer ngunit iba pa ang P250 na bayad sa mga kakatay.
Kung sila ang tatanungin, mahirap masunod ang MSRP—pero kung hindi anila mananamantala ang mga middleman ay posible namang maibaba nila.
Panawagan nila na huwag silang pilitin na ibaba ang presyo kung dehado sila.
“Siyempre lugi walang kita, abono pa bali ‘yung nagga-gain lang ay ‘yung mga dealer, kami hindi,” ayon pa kay Filarca.
Sa katunayan, umaga nitong Martes ay nag-ikot ang ilang opisyal ng DA sa malalaking palengke sa Metro Manila para alamin kung nasusunod ba ang MSRP sa karneng baboy.
Sa Balintawak Market, karamihan ng mga tindera ay nasunod naman ang itinakdang MSRP at may ilan naman na mas mababa pa rito.
Aminado ang DA na hindi agad ito masusunod ng mga pork retailer sa ilang merkado pero bibigyan sila ng isang buwan na palugit upang ipaintindi na sumunod sa kautusan.
“Inaayos namin ang aming legal department kung ano pa ang puwede nating isampa sa mga lumalabag sa MSRP,” pahayag ni Dr. Dante Palabrica, Undersecretary-Designate for Livestock, DA.
Bukod sa ipinatupad na MSRP para sa karneng baboy sa mga palengke ay target din ng DA na ayusin ang presyuhan para sa mga supermarket.
Ngunit, hindi ito kagaya ng MSRP para sa pork na para lamang sa wet markets.
“Pagdating sa supermarkets hindi natin lalagyan ng MSRP. Dahil, base sa computation namin napakalaki ng overall expenses sa supermarket air-condition, freezer, tao lahat. Pero, may proseso ng ginagawa kami para ditto,” ayon pa kay Palabrica.
Binubuo na ang posibleng kautusan na ipatutupad para naman sa mga supermarket pero hindi pa ito maaaring ilabas ng ahensiya.
Kasunod nito, tuloy-tuloy ang bakunahan kontra African Swine Fever (ASF) sa mga lugar na apektado.
Nasa 200K doses ng bakuna ang target na maiturok sa mga alagang baboy na hindi apektado ng ASF.