P36-M halaga ng smuggled na sibuyas, nasabat ng BOC-CDO

P36-M halaga ng smuggled na sibuyas, nasabat ng BOC-CDO

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) -Port of Cagayan de Oro ang panibagong 12 containers na naglalaman ng agricultural products mula sa Mindanao International Container Terminal Port, Tagoloan sa Misamis Oriental noong Agosto 11, 2022.

Ayon sa BOC, nag-isyu si District Port Collector Attorney Elvira Cruz ng Pre-Lodgment Control Orders (PLCOs) laban sa shipments matapos makatanggap ng derogatory information sa posibleng misdeclaration ng produktong agrikultural.

Sinabi ng BOC na idineklara ang kargamento bilang “spring roll patti” at “plain churros” ngunit nadiskubre na ito ay mga pula at puting sibuyas na nagkakahalaga ng P36 milyon.

Ang shipments ay mula China at naka-consigned sa Frankie Trading Enterprises and Primex Export and Import Producer.

Maglalabas naman ang BOC ng warrants of seizure and detention laban sa shipments dahil sa paglabag sa Section 1400 (Misdeclaration of Goods) at Section 117 (Regulated Importation) ng Republic Act (RA) 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, at RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act.

 

Follow SMNI News on Twitter