DAHIL sa isang sumbong ng isang ginang, nakumpiska ang isang kahina-hinalang package na naglalaman ng high-grade marijuana.
Nagkakahalaga ito ng P39M.
Araw ng Miyerkules, Nobyembre 20, 2024, nang personal na nagtungo sa Balagtas Municipal Police Station ang isang ginang upang iulat ang natanggap na package ng kaniyang asawa mula sa isang delivery service. Ang kargamento, na ipinadala ng isang alias “Paul” mula Toronto, Canada.
Ipinagtaka ng ginang na nakapangalan ito sa kaniyang nakakulong na kapatid gayong wala naman silang kamag-anak sa ibang bansa.
Pinaghihinalaan ng ginang na ang package ay may kaugnayan sa kasong kinahaharap ng kaniyang kapatid, na nasangkot sa ilegal na droga.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng Balagtas MPS, kasama ang isang kagawad ng barangay, kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), at media representatives, upang beripikahin ang ulat.
Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan sa loob ng package ang 52 selyadong plastic na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana na tumitimbang ng tinatayang 26 kilo. Ang mga nakumpiskang droga ay may standard drug price na umaabot sa P39M.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung sino-sino pa ang posibleng sangkot at kung gaano kalawak ang operasyon ng sindikato.
Lumalabas na maaaring bahagi ito ng isang mas malawak na international drug trade.
Hinikayat naman ni PRO 3 Regional Director PBGen. Redrico A. Maranan ang publiko na maging mapagmatyag at patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad.
Ang pagkakakumpiska aniya ng ganitong kalaking halaga ng droga ay muling nagpatibay sa determinasyon ng PRO3 na sugpuin ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.