HINDI sapat ang P3B Quick Response Fund (QRF) ng Department of Education (DepEd) para tugunan ang lawak ng pinsala sa mga paaralan ng nagdaang kalamidad ayon kay Secretary Sonny Angara.
Nitong 2024, tinatayang 1,855 paaralan ang naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad, kung saan kinakailangan ng ₱6.6-B para sa pag-aayos ng mga silid-aralan.
₱6.3-B naman ang kakailanganin para mapalitan ang 1,846 na mga nasirang silid-aralan.
Bagama’t itinaas na sa ₱3B ang taunang QRF ng DepEd, nananatili itong kulang ayon kay Sec. Angara para matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan sa rehabilitasyon.
Binigyang-diin ng kalihim ang pangangailangan ng mas maraming pondo para matiyak ang agarang pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga paaralang nasira ng mga kalamidad.