HINDI pa rin nanunumpa at nakauupo sa Kamara ang representante ng Komunidad ng Pamilya Pasyente at Persons with Disabilities (P3PWD) Party-list na si Maria Camille Ilagan.
Matatandaan na nagsumite ng bagong listahan ng mga nominee ang P3PWD sa Commission on Elections (COMELEC) kasunod ng kautusan ng Korte Suprema. Ito’y matapos nitong tuluyang hindi pinahintulutan si Guanzon na kumatawan sa partido sa pamamagitan ng substitusyon.
Sa listahan, 1st nominee si Ilagan at siya’y agad na iprinoklama ng COMELEC noong Disyembre 2024.
Pero ayon kay Guanzon, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakapanumpa sa Kamara si Ilagan. Nagbigay ito ng daan para sa paghahain nila ng Petition for Mandamus sa Korte Suprema laban kay House Speaker Martin Romualdez.
Ang hinahabol ng kampo ay maisagawa ang oathtaking bago mag-recess ang Kamara ngayong linggo.
Ayon kay Guanzon, pabalik-balik na si Ilagan sa House of Representatives at naisumite na nila ang lahat ng dokumento kabilang na ang certification of proclamation ng COMELEC pero bigo pa rin sila makakuha ng sagot.
Hirit pa ni Guanzon—mahiya at maawa naman si Romualdez sa mga naghihintay na benepisyaryo ng P3PWD.
Aniya, milyun-milyong mga PWD ang naghihintay ng kanilang mga programa, iba pa rito ang mga senior citizen at mga cancer patient na gustong tulungan ng party-list.
Sinabi rin nito na dahil dalawang taon nang wala pang nakauupong representante ay hindi pa nakatatanggap ng budget ang P3PWD, kaya’t hiling ni Guanzon na ngayong mayroon nang naiproklama ay ‘wag nang patagalin ng Kamara ang pag-upo ni Ilagan sa puwesto.