P4.1-B pondo para sa 2nd tranche ng cash aid sa pamilyang apektado ng inflation, aprubado na

P4.1-B pondo para sa 2nd tranche ng cash aid sa pamilyang apektado ng inflation, aprubado na

INAPRUBAHAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng mahigit P4.1-B na alokasyon para sa  implementasyon ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, inaprubahan nito ang Special Allotment Release Order (SARO) nitong Lunes, Agosto 1, 2022.

Saklaw ng P4.1 billion budget ang second tranche ng TCT Program o P500 monthly subsidy para sa low income families.

Inaasahang mahigit apat na milyong mahihirap na pamilya ang makabebenepisyo ng nagkakahalaga ng P1000 o dalawang buwang halaga ng naturang subsidiya.

Layon ng naturang programa na maibsan ang matinding epekto ng inflation lalo na sa most vulnerable households o ang mga lubhang naapektuhan ng pagtaas ng gasolina at iba pang bilihin.

Inihayag pa ni Pangandaman na hangga’t kaya ay patuloy na susuportahan ng DBM ang mga programa ng pamahalaan na magbibigay-tulong sa mamamayan.

Idinagdag pa ng kalihim na sa kabila ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, patunay aniya ang ayudang ito na hindi pinababayaan ng gobyerno ang mamamayan sa panahon ng pangangailangan.

Pahayag pa ng DBM chief, nais ipadama at ipaalam ng pamahalaan sa mga Pilipino na nariyan ang gobyerno na handang tumulong sa kanila.

Follow SMNI News on Twitter