P40/kg na bigas, malayo sa ipinangakong P20/kg ni Marcos Jr.—Atty. Panelo

P40/kg na bigas, malayo sa ipinangakong P20/kg ni Marcos Jr.—Atty. Panelo

ISA ka rin ba sa mga naghahanap pa rin hanggang ngayon ng P20 per kilo na bigas?

Ang pangako kasing ‘yan ni Marcos Jr., ay tila nananatiling malayo sa katotohanan kung pagbabasehan ang kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa.

Hanggang ngayon kasi—abot-langit pa rin para sa nakararami ang presyo ng bigas sa merkado.

Sa halip nga na bumaba, ang mga presyo ay patuloy na naapektuhan ng global demand at lalong-lalo na kawalan ng sapat na lokal na produksiyon.

Nitong araw ng Huwebes, sinimulan na ang pagbebenta ng P40 per kilo na bigas ng Department of Agriculture (DA) sa limang palengke sa Metro Manila.

‘Yun nga lang ay hindi ito magandang hakbang sa mga rice retailer dahil magdudulot lamang ito ng pagkalugi.

Giit nila—huwag silang sisihin dahil hindi nila kasalanan kung bakit hanggang ngayon ay patuloy ang paggalaw sa presyo ng mga bilihin lalo na sa bigas.

“Mataas ang presyo ng bigas, hindi nga nasunod ‘yung kay Pangulong Marcos na bente ang kilo,” ayon kay Rey Panganiban, Rice Retailer.

Sabi ni Atty. Sal Panelo—hindi naman maituturing na long term solution ang pagbebenta ng P40 na bigas ng gobyerno.

“Ay akala ko ba na bente ang pangako? Doble ‘yan ha.”

“Naalala mo sa press conference ni Inday Sara na kaya sinabi niyang sinungaling. Kaya, sabi niya alam ba ni BBM ‘yan na hindi pu-puwede ‘yang P20 per kilo. Ang sagot ng tinanungan niya ay supposed to be nakakaalam. Ay bakit kinampanya ‘yun nangako tayo ng 20 pesos ‘yun,” saad ni Atty. Sal Panelo, Anchor, SMNI.

Dapat aniya kasi binibigyang pansin ng gobyerno kung paano palalakasin ang produksiyon at karamihan sa mga lupain ng mga magsasaka ay lumiit nang lumiit dahil sa wala na ring ganang magtanim dahil sa mababang kita sa pagtatanim.

Bukod pa diyan, walang sapat na patubig at kulang sa modernisasyon.

“Huwag kang mangako sabihin mo sa taumbayan, ito po ang reyalidad, ito ang sitwasyon, ito ang gagawin natin tingnan natin kung magagawa natin maging makatotohanan ka,” ani Atty. Panelo.

PSA: Inflation rate o ang pagtaas ng bilihin at serbisyo sa bansa nitong Nobyembre, bumilis pa sa 2.5%

Kaugnay niyan, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na naitala ang pagbilis ng inflation o ang pagtaas ng bilihin at serbisyo sa bansa.

Bumilis pa ito sa 2.5% nitong Nobyembre na mas mataas sa 2.3% na naitala noong Oktubre ng taon.

Ang pangunahing dahilan pa rin ay ang walang humpay na pagtaas ng food and non-alcoholic beverages.

Kabilang sa tatlong commodity groups na maituturing na main contributor sa inflation ay ang food and non-alcoholic beverages, housing, water, electricity, gas and other fuels at restaurants and accommodation services.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble