P42/kg na bigas sa Kadiwa, ibebenta na sa palengke sa Disyembre—DA

P42/kg na bigas sa Kadiwa, ibebenta na sa palengke sa Disyembre—DA

IBABABA na sa mga palengke sa Metro Manila simula Disyembre ang pagbebenta ng Department of Agriculture ng P42 kada kilo ng bigas sa ilalim ng Rice for All program.

Sa negosyong karinderya, kumikita si Antonia Pelenio na pangtustos sa kada araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Ilang putahe lang ang kaniyang ibinenta dahil sa sobrang mahal na aniya ng mga bilihin lalo na ang bigas.

Coco pandan aniya kasi ang klase ng bigas na kaniyang ginagamit na umaabot sa higit P50/kg.

“(Anong diskarteng ginagawa mo dahil sa sobrang mahal ng bigas ngayon?) Ano na lang sa takal namin inaano medyo nile-less na lang namin nang kaunti kaysa ‘yung sa dati. Bakit? Para naman ma-ano namin ‘yung presyo ng bigas,” pahayag ni Antonia Pelenio, may-ari ng karinderya.

Makabubuti sabi ni Antonia kung may mabibilhan sila ng mura at de-kalidad na bigas upang kahit paano ay maka-menos sa gastos.

Ang hinaing na katulad kay Antonia ay sosolusyunan umano ng Department of Agriculture (DA).

Simula kasi sa susunod na araw o sa buwan ng Disyembre ay maglalagay na ang DA ng mala-Kadiwa sa loob ng mga pampublikong palengke sa Metro Manila.

Pero bigas lamang ang ititinda gaya ng well-milled rice na nagkakahalaga ng P42/kg sa ilalim ‘yan ng Rice for All program ng ahensiya.

Ito ay upang ma-challenge ang mga rice retailer na ibaba anila nila ang kanilang ibinibentang bigas base na rin sa kanilang napagkasunduan.

“Inaprubahan ni Secretary ‘yung recommendation na magkaroon ng pagtitinda ng Rice for All sa ating mga pamilihan. Iniiwasan natin ‘yan noong una para hindi tayo makipag-compete doon sa mga nagtitinda sa mga pamilihan. Pero, dahil na rin sa hindi nga ganun kabilis ang pagbaba ng presyo.”

“It’s one way to correct the market alam naman supposed to be ng ating mga retailer na dapat presyo ng regular at well-milled. ‘Yung mga Kadiwa kung nakakabenta sila ng ganitong presyo it could serve as reference price,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Sa oras umano na mangyari ito ay malaking bagay ito sa mga hirap sa buhay gaya na lamang ni Antonia.

“Maliban sa nakakatipid ay affordable talaga lalo na sa mga ganito mga canteen,” ayon kay Antonia Pelenio, may-ari ng karinderya.

Pero, kung ang mga rice retailer naman ang tatanungin, hindi sila pabor sa hakbang ng DA.

Imbes umano kasi na tulungan silang makahanap ng murang mapagkukuhanan ng suplay ng bigas ay magiging kakumpitensiya pa nila.

“Mababawasan ‘yung customer kasi sa hirap ng buhay ngayon ‘yung mga tao ay mas pipiliin ‘yung mura kung maganda naman ‘yung bigas kaysa rito sa medyo mataas hindi affordable ng tao. Mas okay kung kami ay may makukuha na mas mababa,” wika ni Stella Divina, rice retailer.

Aminado ang rice retailer na si Stella na hirap talaga ngayon na makahanap ng murang magsusuplay ng bigas.

Kaya, bigo nga aniya silang maipagpatuloy ang pagbebenta ng P43-P45/kg ng bigas na napagkasunduan kamakailan sa pagitan ng DA.

Pero, kung si Ritchie Nora naman ang tatanungin, kampante siyang may bibili pa rin sa kanila sa oras na umarangkada ang programa ng DA sa mga palengke.

Hindi naman aniya kasi nagtatagal ang mga ganitong hakbang ng mga gobyerno para sa mga mahihirap.

“Okay lang ‘yan kasi kahit paano may bumibili pa rin, dahil sa quality siguro. Kasi ‘yan parang sa gobyerno kasi siyempre mura ‘yan. So, hindi niyo nakikita na kakumpintensya? Hindi naman kasi dati meron, nawala rin,” ayon kay Ritchie Nora, Rice Retailer.

Aniya, kahit medyo may kataasan ang kanilang bigas ngayon at siguradong de-kalidad naman kaya doon pa lang ay hindi lugi ang mamimili.

Ang mamimiling si Felicidad Bigata, numero uno niyang tinitingnan kapag bumibili ng bigas ay ang quality.

Kaya, kahit mahal aniya ay mas doon siya tatangkilik.

“Depende sa bigas na mura kasi mayroon kasing murang bigas na hindi naman maganda ang kalidad. Katulad nito mura ay maganda ang kalidad na bigas, depende kasi ‘yun sa klase ng bigas. Maglalagay nga sila ng mura hindi naman ganun kaganda,” wika ni Felicidad Bigata, mamimili.

Paglilinaw naman ng DA na sa ngayon may tatlong scenario na kinukonsidera ng ahensiya.

Una ay ibigay ang pagbebenta sa mga farmer coop na kapartner ng Kadiwa o di kaya’y pangasiwaan ito ng Food Terminal Incorporated (FTI) o ang makipag-ugnayan sa market masters para sa posibleng pagsusuplay ng murang bigas sa mga nagtitinda sa palengke.

“We don’t want our programs na panandalian lang. So, kung magiging sustainable ito later on siguro kung makita natin na ‘yung market ay nagre-response rin ay talagang iayos ‘yung presyo according doon sa tamang presyuhan at hindi na kailangan ‘yung Kadiwa doon sa mga merkado natin at ibalik doon sa dating set-up ay well in good. Tingnan natin, only the Secretary can kumbaga decide,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble