NASABAT ng awtoridad ang nasa 50 milyong pisong halaga ng mga hinihinalang smuggled agriculture at meat products sa dalawang illegal cold storage facilities sa Tondo, Manila.
Ayon sa ulat, inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 15 suspek sa kalagitnaan ng raid kabilang na ang isang Chinese national na pinangalanang point person ng mga ilegal na operasyon sa pasilidad.
Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Edgar Allan Okubo, ilegal ang mga ito at binigyan na sila ng letter of authority ng Bureau of Customs upang masabat ang mga ito.
Dagdag ni Okubo, hindi ligtas na makonsumo ng publiko ang mga produktong ito dahil sa hindi ito dumaan sa Food and Drugs Administration (FDA) at hindi rin ito nagbayad ng buwis sa pamahalaan.
Nakuha sa mga cold storage ang mga kahon-kahon ng mga prutas at gulay mula China habang ang isa namang cold storage ay nakuhaan ng mga imported chicken meat mula sa US at imported pork naman mula China.