SA budget briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado, diretsahang sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kailangan lamang ng P64 na badyet sa pagkain sa buong araw para masabing hindi mahirap ang mga Pinoy.
Ibig sabihin, kung mayroong higit P21 na badyet bawat meal ay masasabing hindi naghihirap ang isang indibidwal.
Kung ikukumpara pa ayon sa NEDA ang naturang “food poor” threshold, mas mataas na ito kumpara noong 2021 na nasa P55 lang.
Ang naturang pahayag ng NEDA ay binira naman ng dating lead convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na si Atty. Noel Felongco dahil aniya, anong pagkain ang mabibili sa halagang P64.
“Sa ngayon pa lang, ‘yung bigas pa lang nga eh ay talagang napakamahal na. Parang umaabot na nga ng P60 di ba? Pagkatapos halimbawa tignan natin ang itlog. Magkano ba ‘yung isang itlog ngayon?”
“Last week, bumili ako sa isang tindahan P8-10 yung isang itlog. Pagkatapos ‘yung hotdog, ‘yung 1kg aabot ng P250. So, papaano ‘yung P21 per meal? Paano pagkakasyahin ‘yun?” ayon kay Atty. Noel Felongco, Dating Lead Convenor, National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Dagdag pa nito, malayung-malayo ang pinagsasabi ng NEDA sa totoong sitwasyon ngayon ng mga Pilipino.
Kung pagbabatayan din aniya ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas bumilis pa ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo nitong Hulyo sa 4.4% mula sa naitalang 3.7% noong Hunyo.