P78-M road maintenance project sa bahagi ng CAVITEX, nakumpleto na

P78-M road maintenance project sa bahagi ng CAVITEX, nakumpleto na

INIHAYAG ng CAVITEX Infrastructure Corporation (CIC) na nakumpleto na ang P78-M heavy road maintenance project nito para sa ilang bahagi ng expressway.

Sinabi ni CIC President at General Manager Roberto Bontia ang pag-rehabilitate at pagsasaayos ng mga road surface distress katulad ng mga pavements fractures, distortions at disintegration sa bahagi ng Longos, Bacoor entry.

Kasama ang exit patungong CAVITEX at 1 kilometer portion ng mainline carriage ng Wawa Bridge patungong Zapote Interchange.

Sinisiguro naman ni Bontia na ngayong tapos na ang isinagawang heavy maintenance project, lalo itong makatutulong upang lalong gumanda ang overall driving experience ng mga motorista.

Giit nito, hindi naging hadlang ang pandemyang kinakaharap dahil patuloy pa rin ang paggawa partikular sa mga proyekto para sa maginhawa at ligtas na toll road network.

Kaugnay nito, sinang-ayunan naman ni Philippine Reclamation Authority (PRA) General Manager at CEO Atty. Janilo Rubiato ang sinabi ni Bontia na ang PRA at CIC ay committed na makapagbibigay ng maayos at mataas na kalidad ng expressway para sa publiko.

Ani Rubiato, tutumbasan nila ang ibinayad sa pamamagitan ng road quality at kaginhawaan kung kaya’t hindi sila nagdalawang-isip sa pag-implementa base sa mga nakikita at nararanasan sa mga toll road.

Ang CIC ay isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ang CAVITEX ay kabilang sa road network na patuloy na binubuo ng MPTC at ito ay ikokonekta sa 7.7-kilometer C5 link expressway at 45-kilometer na Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Ang PRA sa pamamagitan ng subsidiary nito na PEA Tollways Corp. (PEATC) ang nangangasiwa sa operations at maintenance ng R-1 expressway at R1 expressway extension na bumubuo sa CAVITEX.

Bukod sa CAVITEX, C5 link expressway, at CALAX, hawak din ng MPTC ang pamamalakad sa North-Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEX), NLEX connector road, at ang Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa Cebu.

Disyembre nakaraang taon nakumpleto ng PRA at CIC ang road enhancement project para sa Segment 1 (R1 expressway) kung saan nagsagawa ito ng road widening para sa karagdagang lane sa mga tulay sa Parañaque, Las Piñas at Wawa na mula sa tatlong lanes na ngayon ay mayroon nang 4 lanes.

SMNI NEWS