NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P8.8-B para sa Grants-In-Aid (GIA) Program na ipinapatupad ng Department of Science and Technology (DOST).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, nais ng gobyerno na maipagpatuloy ang implementasyon ng iba’t ibang programa sa agham, teknolohiya, at inobasyon.
Layunin din ng nasabing programa na pagtibayin ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng teknolohiya, partikular sa research and development, promotion, technology transfer at utilization, human resources development, information dissemination, advocacy, at linkages.
Ang Harmonized National Research and Development Agenda 2022 to 2028 (HNRDA), ay nagsisilbing komprehensibong framework para sa lahat ng inisyatibo sa agham, teknolohiya, at inobasyon.
Gabay rin ito sa pagpaprayoridad ng mga programa at proyekto sa pananaliksik na popondohan.
Ipinahayag din ng DBM na inihanda ang naturang agenda sa pamamagitan ng konsultasyon ng gobyerno at private research and development institutions, akademya, industriya, at iba pang kinauukulang ahensiya.
Target ng pamahalaan na gawin ang Pilipinas na regional hub para sa smart at sustainable manufacturing, inobasyon, creativity, at sustainability.
At para makamit ang layuning ito, pinaglaanan ang DOST ng P28.8-B na pondo sa ilalim ng panukalang FY 2025 National Budget.