SINALAKAY ng mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) Inspectorate and Enforcement Team at Bureau of Customs pasado alas nuebe ng umaga ng Biyernes ang malaking cold storage facility sa lungsod ng Navotas.
Natuklasan dito ang 13 storage facility sa loob ng Philstorage Corporations na matatagpuan sa M Naval Street sa nasabing lungsod.
Aabot sa 364,000 kilos o nagkakahalaga ng P86-M ng iba’t ibang karne, isda at prutas ang nasabat ng ahensiya.
Nasa P5.6-M o 28,000 kilograms ang halaga ng expired na karneng kalabaw na galing India.
Nagkakahalaga naman sa P77-M ang halaga ng agri fisheries na nasamsam na may bigat na 308,000 kilograms.
Katulad na lamang ng salmon, golden pampano, tuna, roundcad o galunggong, scalops, pusit, at fish fillet.
Habang nasa P4.2-M naman ang halaga ng prutas na katumbas ng 28,000 kilograms.
Sinabi ng DA, may naipakitang Sanitary Phytosanitary Import Clearance (SPIC) para sa prutas.
Ngunit, susuriin pa ng mga tauhan ng DA at BOC kung mga lehitimo ba ang dokumentong hawak.
Sa ngayon, hinihinala pa lang na smuggled ang mga karne at isda na iprinisenta at ito ay aalamin pa bago tuluyang samsamin.
Sa ngayon, silyado na ng BOC ang 13 storage facility upang hindi na mailabas ang mga ito sa merkado.