Tuluy-tuloy ang mga ginagawang hakbang ng Department of Agriculture (DA) para tugunan ang mga hamong kinaharap ng sektor ng agrikultura.
Sa Palace briefing, araw ng Martes ay ibinahagi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang mga plano upang mapalago pa ang produktong agrikultural sa bansa.
Isa sa kanilang nakikitang solusyon ay ang pagtatayo ng mga post-harvest facility para sa bigas at mais.
Para maisakatuparan ito, kinakailangan aniya ng bilyun-bilyong piso na pondo ang ahensiya sa pagtatayo ng pasilidad sa loob ng tatlong taon.
“We need P93-B in the next 3 years in order to save 10.7 billion pesos a year on wasted rice and corn. How to get the money, I’m still new in the government I’m still trying to figure it out also,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., DA.
Sinabi ng kalihim, umaabot sa 12.7-15 porisyento ang nawawala sa produksiyon ng mga magsasaka dahil sa kakulangan ng mga pasilidad.
“Sa rice alone, that’s 23 days of rice ang mare-recover natin for the whole national, kumbaga we have 23 days of rice if we do this. Last year we imported about 3.5 million tons of rice so that’s 10% of, mababawasan ng 10% ang importation natin if we do this,” dagdag ni Laurel.
Dagdag pa niya, maaaring mapababa sa 5 porsiyento ang presyuhan ng bigas sa merkado sa oras magkaroon ng post-harvest facility.
Ngunit, nakadepende rin aniya ito sa magiging presyuhan ng bigas sa world market at kung walang tatamang kalamidad sa bansa.
Target ni Laurel na maglagay sa Dingras, Ilocos Norte, Concepcion, Tarlac, Dumangas, Iloilo, at Musuan Maramag sa Bukidnon.
Kasama rin ang pagtatayo ng mga dryer, silo, bodega, rice mill, corn mill, at iba pang kagamitan.
Ang mga planong ito ng DA ay sa ilalim ng Masagana Agri-Food Infrastructure Modernization (MAFIM) program ng Marcos administration.
Sec. Laurel sa P20/kg na bigas: We will try our best
Samantala, sinagot naman ni Laurel kung kakayanin pa rin ba sa ilalim ng kaniyang administrasyon ang ipinangakong P20 na kada kilo ng bigas.
“As I mentioned before, it’s an aspiration. It’s a target. We will try our best. Mas maganda, sir, may goal para everybody tries to achieve it as hard as possible,” ani Laurel.