Pabahay para sa mga tsuper, sasagutin ng gobyerno – transport group

Pabahay para sa mga tsuper, sasagutin ng gobyerno – transport group

HINILING ng ilang transport groups sa bagong administrasyon na tulungan ang mga tsuper sa pamamagitan ng pabahay.

Ito ang sinabi ng National President ng Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP) Orlando Marquez kung saan dumulog sila sa Pag-Ibig Fund para sa kanilang kahilingan.

“Dahil kami po kasi itinuturing ‘yung aming mga drivers buong Pilipinas. Kami po ay mayroong lisensya na inisyu ng gobyerno. So, halos lahat ng naisyuhan ng professional na lisensya ng gobyerno meron silang village pero kami meron kaming gillage. Anong gillage? Gillage ng creek,” pahayag ni Marquez.

At matapos ang kanilang kahilingan sa Pag-Ibig Fund, ipinagpapasalamat naman nito na agad itong tinugunan ng pamahalaan.

Aniya, nakatakdang magkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) signing sa mga susunod na linggo sa pagitan ng mga transport group at Pag-Ibig Fund.

“Para ngayon matugunan ay magmo-MOA signing na kami siguro after the SONA ng presidente ay mag-i-schedule na kami na magkakaroon na kami ng MOA signing,” ayon kay Marquez.

Maliban sa LTOP, maging ang iba pang transport group ay humiling din para sa pabahay sa mga tsuper kabilang ang National Federation of Transport Cooperative at Stop and Go Transport Coalition.

Pero paglilinaw ni Marquez, tanging mga tsuper na miyembro lang ng Pag-Ibig Fund ang maaaring makatanggap ng pabahay sa oras ito ay maisasakatuparan na.

Pagbibigay-diin nito, isa ito sa matagal nang inaasam ng mga tsuper na magkaroon sila ng sariling village o community.

Sa ngayon, isinasapinal pa kung saang lugar maaring i-relocate ang mga tsuper.

Samantala, sumulat ng dalawang beses ang ilang transport group sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa dagdag na livelihood program.

“Nag-usap na rin kami, sumulat na kami at nagkausap na kami ng dalawang beses sa TESDA na magmo-MOA signing na rin kami doon sa libreng pag-aaral ng mga drayber, doon sa kanilang anak, asawa para sa mga livelihood program, mga technical courses,” ani Marquez.

Sa kabila nito, nanawagan ang National President ng LTOP sa mga tsuper na aniya panahon na para magkasundo ang mga ito upang mapataas ang antas ng public transportation sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter