IBINUNYAG ni Senator Panfilo Lacson na determinado si Senator Manny Pacquiao sa pagtakbo para sa pagkapangulo sa 2022 election.
Ito aniya ang sinabi sa kanya ni Pacquiao sa isang pag-uusap nila sa Senado.
Sa katunayan pa aniya ay inalok siya ni Pacquiao na maging running mate nito para sa darating na halalan.
Dahil naman hindi pa tiyak ang pagtakbo ni Lacson sa national elections, ay sinabihan nito si Pacquiao na ikunsidera si Senate President Tito Sotto III na maging running mate nito.
Ayon sa senador pangalawa na si Pacquiao na nag-alok sa kaniya na maging running mate para sa 2022.
Samantala, tiniyak ni Senator Manny Pacquiao na tuloy ang laban nito kay Errol Spence Jr. sa buwan ng Agosto.
Sa isang pahayag ay sinabi nito na patungo na ito ng Amerika ngayong Sabado para sa naturang laban.
“Tuloy ang aking laban at nakatakda akong umalis ngayong weekend para bigyan ng dangal ang ating bansa. Masaya ako kapag nagkakaisa ang lahat ng Pilipino para manood ng bawat laban ko,”pahayag ni Pacquiao.
Matatandaan kagabi na sinabi ni Pangulong Duterte na umatras sa laban nito ang senador.
Sinabi naman ng Presidente na sa halip na ang boxing ang atupagin ng senador ay simulan nito ang pag-iimbestiga sa sinasabi nitong mga kurap na ahensya.
Sa isang pahayag ay sinabi naman ng senador na mas dapat na pagtuunan ngayon ng gobyerno ang problema ng bansa.
Gaya na lamang aniya ang tila pagputok ng Bulkang Taal ngayon.
“Sa gitna ng napipintong pagputok ng Taal Volcano, tulong at solusyon ang hinahanap ng ating mga kababayan. Hindi away. May krisis po, ito ang pagtuunan natin ng pansin ngayon,”ani Pacquiao.
BASAHIN: Senator Manny Pacquiao tinawag na traydor ni Pastor Apollo C. Quiboloy