“IWASAN na sana ni Senator Manny Pacquiao ang kanyang kasalukuyang handler”.
Ayon kay Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson sa panayam ng Sonshine Radio, ang naturang payo ay bunsod ng hindi pagkakaintindihan nilang dalawa kaugnay sa Tobacco Excise Law.
Ani Singson, nag-ugat ang kanilang hindi pagkakaintindihan nang suportahan ni Pacquiao ang pagpapataas ng tax na ipapataw sa cigarette products na syang mariing tinututulan ni Singson dahil posibleng ito ang dahilan na mawawalan ng pagkakakitaan ang mga magsasasaka sa Ilocos Sur.
Mababatid na sa Ilocos Sur, hometown ni Singson ay isa sa pangunahing produkto ang tobacco.
Kung hindi lang aniya para sa mga magsasaka sa Ilocos Sur ay payag si Singson na taasan ang tax subalit nakikita niyang mahihirapan ang mga residente dito na kumikita lang mula tobacco kaya’t tutol sya sa hakbang na sinuportahan ni Pacquiao.
Bukas naman si Singson na maibalik ang kanilang pagiging magkaibigan ni Pacquiao balang araw.
Samantala, huwag na rin sanang mag-boxing si Pacquiao dahil tumatanda na ito at posibleng hindi na kakayanin ng kanyang katawan.