Pacquiao, sinabing mas marami siyang experience kaysa sa ibang presidential candidates

Pacquiao, sinabing mas marami siyang experience kaysa sa ibang presidential candidates

NANINIWALA si presidential candidate at Senator Manny Pacquiao na mas marami siyang experience kung ikukumpara sa iba pang mga kandidato.

“Kapag experience sa buhay ang pag-uusapan, daig ko po ‘yan silang lahat, sa totoo lang,” pahayag ni Sen. Manny Pacquiao.

Sinabi rin ni Pacquiao na naranasan na niyang humawak ng kaunting pera na gagamitin para sa pangangailangan ng pamilya.

Nagmula sa mahirap na pamilya si Pacquiao at ngayon ay isa sa pinakamayamang senador dahil sa boxing career.

Dagdag pa ni Pacquiao, naiinis siya sa mga kandidato na puro lamang pangako ngunit hindi naman naisasakatuparan ang mga ito.

“Diyan po ako napupuno na. Tuwing eleksyon po lahat ng kandidato laging nangangako, ang gaganda ng mga programa sa ating bansa. Bakit parami nang parami ang naghihirap?” ayon pa kay Pacquiao.

Bukod pa rito, sinabi ni Pacquiao na pinag-aralan niya ang mga problema ng bansa at hindi niya ipapahiya ang kanyang sarili.

“Bakit ipapahiya ko ang sarili ko na tatakbo ako rito, tapos matagal kong pinangalagaan ang pangalan ko, tapos tatakbo ako rito sa pagka-pangulo na wala akong alam?”  saad ni Pacquiao

Samantala, isa sa pangako ni Pacquiao ay magpapatupad ng “Filipino-First” policy pagdating sa employment kung sakali mang manalo ito sa pagka pangulo sa eleksyon 2022.

Ayon kay Pacquiao, hindi kasi maayos at malakas ang ekonomiya ng bansa kung kaya’t walang maibigay na trabaho sa taumbayan kung kaya’t kailangang palakasin ang ekonomiya.

Dagdag pa ng mambabatas, maaaring lumakas ang mga foreign investors sa bansa dahil sa strategic position nito sa Pacific region.

Gayunman, hindi nito maaabot ang potensyal nito dahil sa korapsyon, mataas na buwis, hindi epektibo at mahal na utilities at mabagal na internet connection.

Follow SMNI NEWS on Twitter