Sen. Robin Padilla, nais patawan ng matinding parusa ang mga ambassador na mapang-abuso sa OFW

Sen. Robin Padilla, nais patawan ng matinding parusa ang mga ambassador na mapang-abuso sa OFW

NANGGAGALAITI si Senador Robin Padilla matapos marinig ang kwento sa isang pagdinig sa Senado na mismong ambassador ng bansa ang nang-abuso ng overseas Filipino worker (OFW).

“Doble ang kanilang kasalanan, kaya dapat mas matindi ang kanilang kaparusahan.”

Ito ang pahayag ni Senator Padilla para sa mga ambassador at overseas personnel ng Pilipinas na mang-aabuso sa mga OFW lalo na kung ginawa ito sa OFW shelters.

“Sana po magkaroon tayo talaga ng ngipin sa mga ganitong pangyayari. Ang hirap tanggapin talaga. Nahirapan akong tanggapin – ambassador ka, ikaw ang tatay sa lugar na ‘yan. Tapos ikaw ang, unang una nasa shelter pa ang tao? Abay mapapamura po ako, patawarin niyo po,” ayon kay Padilla.

Ani Padilla, hindi na dapat maulit ang kaso ng sexual harassment na sangkot ang isang ambassador sa Kuwait, 10 taon na ang nakaraan.

Sa pagdinig ng Committee on Migrant Workers araw ng Miyerkules ay ibinunyag ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na ang nasabing ambassador ay hindi nasampahan ng kasong kriminal at nakaretiro na.

Tinulungan ni Ople ang nabiktimang kasambahay noong nasa non-government organization pa siya.

“Mayroon po tayong very strong  na anti-sexual harassment policy ngayon, hindi po tulad noon na hinihiram ‘yung nasa shelter ay inuuwi lalo na pag may itsura, minsan po ay dini-date pa sa labas ng embahada. Mayroon po kaming kaso na mismong ambassador po ang nag-sexually harass sa isang nasa shelter,” ayon kay Ople.

Dagdag ni Ople,  sampung taon na ang paglilitis sa kaso at noong nakaraang buwan lang niya nakuha ang desisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagbayarin lamang ng multa ang ambassador.

Dahil dito, ipinunto niya na kailangan ng anti-sexual harassment law na makasama ang mga diplomat.

“Yang kaso na ‘yan ay hinawakan natin noong ako ay nasa NGO pa. ‘Yung kasambahay ay 2nd year lang po sa high school ang natapos at siya ay naglakas-loob na magsampa ng sexual harassment case sa isang ambassador. Ten years ago at ten years in the making po ‘yung kaso,” ani Ople.

Dahil dito ay nais ni Padilla na habulin ang nasabing ambassador upang papanagutin.

Tugon naman ni Committee Chairman Raffy Tulfo na maaari itong gawin kung pasok pa ang kaso sa statute of limitations.

“Hindi ko lang mapalagpas ang ambassador. You have an oath na proteksyunan mo ang Pilipinas at ang mga tao nito sa harapan ng Diyos, sa harapan ng Konstitusyon – tapos gagawa siya ng ganoon. Sa akin po wala akong ano, kahit 10-20 taon, nasaan ang ambassador na yan? Kasi di pupuwede yan,” ayon pa ng senador.

Kaugnay nito, umaasa si Secretary Ople na marepaso ang Anti-Sexual Harassment Law para mahuli at mapanagot ang mga diplomatic at overseas personnel na mapang-abuso.

Follow SMNI News on Twitter