Padilla nakahandang tanggapin ang pagiging presidente ng PDP

Padilla nakahandang tanggapin ang pagiging presidente ng PDP

HABANG patuloy pang tinatalakay sa kanilang partido ay inamin ni Sen. Robin Padilla na nakahanda siyang tanggapin ang pagiging presidente ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP).

Sa isang press conference araw ng Martes, sinabi ni Padilla na tatanggapin niya ang posisyon kung makatutulong ito sa mga Pilipino.

“Ito po ay bumabagsak lang lahat sa harap ko. At kung nakikita ko po na makakagawa ako ng maganda at puwede akong makatulong sa kapwa ko Pilipino ay tatanggapin ko,” ayon kay Sen. Robin Padilla.

Kasalukuyang chairman ng partido si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngunit napipinto na ang pagbibitiw ni Congressman Pepito Alvarez bilang presidente ayon kay Sen. Francis Tolentino.

Ang pagpapalit ng liderato ay kasunod na rin ng sunud-sunod na pagbibitiw ng ilan sa kanilang mga miyembro.

Sa kabila ng kaniyang kahandaan na umupo sa puwesto ay nilinaw ni Padilla na ito ay pinag-uusapan pa lamang.

“Magandang posisyon ang binibigay nila, salamat sa pagtitiwala. Maraming salamat kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa lahat ng bumubuo ng PDP,” wika ni Padilla.

Binigyang-diin ni Padilla ang kaniyang pag-upo sa posisyon ay tinatalakay pa lamang sapagkat gusto niyang maging malinaw para sa kaniya kung ano ang magiging plano ng partido.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble