Padilla, nanawagan ng karagdagang suporta para sa sundalong nagbabantay sa WPS

Padilla, nanawagan ng karagdagang suporta para sa sundalong nagbabantay sa WPS

NANAWAGAN si Senador Robinhood “Robin” Padilla ng mas magandang tulugan at kagamitan, at ibang benepisyo para sa mga sundalo, lalo na ang mga nagbabantay sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Sa pagdinig ng 2023 budget ng Department of National Defense, iginiit ni Padilla na kailangang palakasin ang morale ng mga tagapagbantay, kasama ang mga nasa BRP Sierra Madre.

“Inikot ko po kasi ang mga isla doon, lalo din ang sa (BRP) Sierra Madre, ganoon din po, kawawa sila doon. Yun lang po, sana rin gumanda nang kaunti ang kanilang tulugan doon,” ani Padilla na bumisita sa ilang lugar sa West Philippine Sea noong 2021.

Ang BRP Sierra Madre ay isang lumang barko na ginawang outpost para bantayan ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Ani Padilla, nararapat lang na iangat ang morale ng mga enlisted personnel natin na nagbabantay doon, kasama rito ang modernisasyon ng ating mga kagamitan na may kalumaan na.

“Sa tapang at abilidad walang tatalo sa Pilipino, talagang tayo na. Wala talagang inaatrasan,” aniya.

Samantala, nanawagan din si Padilla ng pagtiyak ng karampatang allowance at benepisyo para sa Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na tumutulong na sugpuin ang insurgency problem.

Aniya, pinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order 110 noong 2020 kung saan mabibigyan ng benepisyo ang bayaning sundalo at CAFGU na masusugatan o mamamatay sa lehitimong military operations. Tiniyak ni Faustino na kasalukuyang ginaganap na ito.

Dagdag ng mambabatas, may P3.829 bilyon sa 2023 budget ng DND para sa 69,938 CAFGUs. Kasama rito ang hindi bababa sa P4,500 na buwanang allowance, kasama ang dagdag na P2,000 base sa utos ng dating Pangulong Duterte.

Nanawagan din si Padilla na bigyan din ng karampatang gantimpala ang ating mga sundalong atleta, na aniya’y nagtatanggol na, nagbibigay dangal pa.

“Gusto ko lang banggitin for the record ang akin pong paghanga sa atin pong mga sundalong atleta na bukod sa pagganap ng kanilang mga tungkulin para sa bayan ay patuloy din pong nagdadala ng karangalan para sa bansa sa pamamagitan ng mga kompetisyong internasyonal,” aniya.

“Sila po ang mga tunay na masasabi nating nasa civil military operations, yung sila po talaga ang naglalapit sa military sa atin pong civilian community. Kung kaya po sana isang nararapat, ako po nagbibigay ng commendation. Kami pong lahat pag nandito sila sa Senado kami ay tuwang tuwa,” dagdag ng mambabatas.

Dahil dito, tinanong niya ang pamunuan ng DND kung natitiyak ba ang benepisyo para sa mga sundalong atleta, lalo na kapag sila ay nagdadala ng medalya sa Pilipinas.

Ayon kay DND OIC Jose Faustino Jr. na may sapat na bayad at benepisyo ang mga sundalong atleta, samantalang ginagawaran din nila ang mga ito ng promotion at awards.

Follow SMNI NEWS in Twitter