PABOR si Senator Imee Marcos sa pag-aaral sa ilalim ng new normal sa loob ng paaralan sa madaling panahon sa mga lugar na mabagal ang paglaganap ng COVID-19 o sa mga low risk area.
Kasulukuyan nang itinutulak ng Department of Education (DepEd), ang pagbabalik ng face to face classes ng Commission on Higher Education (CHED), at National Economic Development Authority (NEDA).
Para kay Senator Marcos, ang distance learning ay isang stop gap measure at hindi pangmatagalang solusyon para sa edukasyon sa panahon ng pandemya.
Una na aniyang iginiit ng United Nations Children’s Fund na ang mga eskwelahan ang dapat pinakahuling magsasara at unang dapat na magbukas.
Ayon sa senadora ang istriktong pagsunod sa mga patakaran ng new normal ay isang malaking hamon pero ito ay kakayanin naman daw ng mga magulang, mag aaral, at mga guro.
Aniya, kayang maipatupad at masunod ang tamang pagsusuot ng mga face mask sa lahat ng oras, pagpapanatili ng distansya ng mga guro kapag nagtuturo ng bagong leksyon, pananatili sa quarantine sa itinakdang panahon sakaling magkasakit ang isang estudyante at kanyang pamilya.
Maging ang pagbabawas ng bilang ng mga estudyante sa isang klase na may tamang layo ng mga upuan o mga school desk, paggamit ng mga open-air na lugar katulad ng mga covered-court bilang silid-aralan, pananatiling bukas ang bintana at mga pintuan ng mga silid-aralan para sa tamang bentilasyon, hindi sabay-sabay na break time ng mga estudyante para mamintina ang physical distancing.
Maging ang paglilimita sa inter-aksyon sa loob ng isang nakatalagang grupo o ‘student bubbles’ para mas madaling maihiwalay ang mga posibleng magkalat ng virus ay maaring gawin para hindi na kailangan pang isara ang isang eskwelahan.
”Walang bagay na hindi kakayaning ipatutupad dito sa ating bansa. Umaasa akong pakikinggan ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases) ang mga sinasabi ng ating mga eksperto sa edukasyon at mga economic manager na ginagawa na sa buong mundo,”ayon kay Senator Marcos.
Una namang sinabi ng DepEd na handa na ang 120 schools para sa pilot test ng face to face classes.
Ayon kay Deped Secretary Leonor Briones na naghihintay na lamang sila ng go signal ni Pangulong Rodrigo Duterte.