Pag-alis ng paunang security check sa ibang mga paliparan sa bansa, target sa 2023 –OTS

Pag-alis ng paunang security check sa ibang mga paliparan sa bansa, target sa 2023 –OTS

KINUMPIRMA ng Office of Transportation Security (OTS) na target nitong alisin ang mga initial security screening check sa mga paliparan sa bansa na saklaw ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa taong 2023.

Target naman ng OTS bago matapos ngayong taon na ipatupad sa NAIA Terminal 2 at 4 ang pag-alis sa nasabing security check matapos ang matagumpay na isinagawang dry run nito.

Sa panayam ng SMNI News kay OTS chief Undersecretary Ma O. Aplasca, sinabi nito na patuloy pa rin ang pag-aaral sa security system bago ipatupad ang paunang pag-alis ng security check sa bawat pumapasok na pasahero sa paliparan.

Aniya bukod sa NAIA Terminal 1 at 4 target din ng OTS sa Enero 2023 naman aalisin ang initial security screening check point sa NAIA Terminal -3

Aminado rin ang opisyal na ginawa ito upang bawas-stress sa mga manlalakbay lalo na ngayong holiday season.

“Sa amin sa OTS, hindi rin naman kami papayag na matanggal ang security check point sa ibang terminal pag hindi namin makita na ma-implement din nang mabuti ang ating security measures according to the International Standard,” pahayag ni Aplasca.

Ani pa ni Aplasca, ang pag-alis ng paunang security check ay ginagawa pagkatapos ng konsultasyon sa mga stakeholder ng paliparan, mga kinatawan ng airline, at sa pakikipagtulungan ng PNP-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP).

Pagtitiyak pa ng opisyal, magkakaroon lamang ng isang security check at iyon ay ang final security screening check point pagkatapos dumaan ng Immigration kung saan nakalagay ang mga high tech X-ray machine, body scanner, at metal detector upang matiyak na ang lahat ng mga pasahero ay mahusay na nasusuri.

Kinumpirma rin ni Aplasca bago pa man sinimulan ang pilot project ng pag-aalis ng security screening sa NAIA ay una na itong ipinatupad sa Mactan-Cebu International Airport Terminal-2 at Clark International Airport.

Bukod sa mga nabanggit na paliparan, target din ng OTS na alisin ang paunang check point sa mga pumapasok na pasahero sa mahigit 40 na paliparan sa bansa na hawak ng CAAP sa 2023.

“We conduct security assessment dahil hindi rin po talaga, like yung mga airport natin sa Mindanao, kailangan po talagang tingnan ang security situation diyan, baka yung mga airport sa Mindanao kailangang kailangan pa rin ang initial security screening,” ani Aplasca.

Follow SMNI News on Twitter