Pag-alis sa mga Pulis-Dabaw, dapat sa Agosto pa isinagawa pero ngayon lang ipinatupad─PNP PIO

Pag-alis sa mga Pulis-Dabaw, dapat sa Agosto pa isinagawa pero ngayon lang ipinatupad─PNP PIO

MATAGAL na umanong plano ng PNP Region 11 ang paglipat sa mahigit 60 pulis mula Davao Region, pero ngayon lang naipatupad sa gitna ng bangayan nina PBBM at VP Sara Duterte.

Sa panahon pa pala ni dating PRO 11 Director at ngayon CIDG Director PBGen. Nicolas Torre ang sana’y paglilipat sa higit 60 mga pulis mula sa Davao Region para ‘di maimpluwensiyahan umano ang mga kinakaharap na kaso ng mga ito sa kani-kanilang istasyon o yunit.

Pero bakit ngayon lang ito naipatupad sa gitna pa ng tumataas na tensiyon sa pagitan nina Pangulong Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte?

Tanging sagot lamang ng PNP, dumaan sa tamang proseso ang paglilipat sa mga ito.

Agosto nang sinimulan ang imbestigasyon sa mga nangyayaring patayan sa Davao Region na hindi umano nairireport ng maayos o nauuwi sa pagtatakip sa mga naitatalang krimen sa rehiyon.

“Basta ang bottom line sa data na ‘yun there are 21 killings, murders and homicides combined tapos as compared to 3 physical injuries, ‘yung suntukan. So paano mo iinterpret ‘yun kung ikaw ang mag-interpret, 21 ang namatay for a certain period. At the same period 3 lang ang reported na nagsuntukan na buhay. So palagi may patay, once a week, ‘yun ‘yun eh, 2 months period ‘yun eh. So, it’s really something na hindi ma-explain ng maayos, 2 or 3 month period yun,” saad ni PBGen. Nicolas Torre III, Director, PNP-CIDG.

At para ‘di aniya maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon laban sa mga pulis na ito—kaya kailangan silang ilipat sa ibang lugar.

“In fact ‘yung kanilang request for reassignment is during the time pa ni Gen. Torre when he was the RD of PRO 11 because some of them particularly the PCOs who served as station commanders, COPs and some investigator na involved doon sa na-discover ni Gen. Torre upon his assumption na nagmamaintain ng double (blotter) sa mga stations so may mga kinakaharap itong mga kaso and normally kapagka ang isang pulis ay undergoing investigation and immediate administrative action diyan is i-relieve sila sa kanilang current assignment so as not to influence the ongoing investigation,” saad ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP-PIO.

Wala naman aniya itong kinalaman sa politika at sana huwag lagyan ng kulay kung bakit ngayon lang ito ipinatupad.

“So dumaan ito sa proseso. It so happened na ngayon lang na-implement. So huwag sana natin bigyan ng kulay,” ani Fajardo.

Batay sa special orders ng Kampo Krame na pinirmahan o epektibo nitong Nobyembre 25, 2024 ang pag-relieve sa puwesto ng 65 pulis mula sa Davao ay pinakalat ito sa Bicol Region at iba pang bahagi ng North Luzon kung saan pinakamataas na ranggo rito ay Police Major.

“Ang pinakamataas na rank is major. Katulad ng sinabi ko ito ‘yung mga station commanders na ni-relieve natin as result nung naging investigation sometime in August. So, to be exact 32 PCOs and 33 NCOs, 24 doon ay napunta sa PRO 4B, 21 sa CAR, 8 sa PRO 2 at 12 sa PRO 5,” dagdag ni Fajardo.

PNP, aminadong ‘di alam ang mga banta laban kay VP Sara; Presidential Security Command, wala raw abisoPNP PIO

Samantala, sinagot na rin ng PNP ang pahayag ni Vice President Sara na isang kahihiyan ang Pambansang Pulisya dahil hindi nito ginagawa ang trabaho habang matagal nang sinasabi ng bise presidente na may mga banta ito sa kaniyang buhay.

“Nakakahiya sa buong mundo, na Philippine National Police nati who by the way has an intelligence funds hindi alam ang mga pangyayari sa ating bansa. Nakakahiya na mayroon tayong pulis na hindi nila alam na may threats sa Vice President. ‘Wag silang magsasalita ng ganyan kasi nagpapakita ‘yan ng incompetence. Dapat diyan kung ako po ay Presidente, Secretary ng DILG, o Chief ng PNP ang sagot diyan ay, let us sit down and investigate na alleged threats so that we will know if these are true or not,” pahayag ni Vice Pres. Sara Duterte

Iginiit pa ni VP Sara, dahil sa kawalan ng alam ng mga pulis sa mga nangyayari sa bansa, kaya dumarami ang kriminal.

“Ibig sabihin, ang dami nilang walang alam na mga pangyayari so kaya pala nag kaniya-kaniya na ang mga kriminal dahil alang alam ang kapulisan. Nakakahiya para sa Pilipinas na naririnig na ang pulis natin ganyan magsalita,” giit ng Bise Presidente.

Sagot ng PNP, naghihintay lang sila ng kumpas ng Presidential Security Command (PSC) mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang ito ang pangunahing ahensiya na may hawak sa seguridad ng pangulo at pangalawang pangulo.

Ang kaso anila, walang abiso at hindi nakikipag-ugnayan ang PSC sa PNP para imbestigahan ang mga sinasabing banta laban kay VP Sara.

Bagay na hindi makaaksiyunan ang PNP para tugunan o tingnan kung totoo o hindi ang mga bantang ito sa bise presidente.

“Well sinabi na natin ito doon sa mga nauna nating sagot na on the part of the PNP ay we defer doon sa PSC na siya ang in charge sa security and safety ng President and VP. ‘Yung VPSPG is under the PSC so we presume and assume na kung meron talagang credible threat against the life of VP ay this should have been communicated doon sa PSC para ang PSC naman ay gumawa ng action including seeking assistance from the PNP. Ang PNP naman ay open imbestigahan itong mga threats na ito,” ani Fajardo.

Sakali naman anila na hingin ng Presidential Security Command ang serbisyo ng pulis para imbestigahan ang mga umaaligid na banta kay VP Sara, saka lamang sila kikilos na naayon sa kanilang mandato.

“If there will come a time the PSC will seek assistance from the police in terms of validating this alleged threat against the VP then we will respond accordingly,” ani Fajardo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble