PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas para sa fixed term sa chief of staff at ilan pang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa bersyon na pumasa sa Senado, balik na sa 56 years old ang retirement age ng mga opisyal ng AFP.
Pero hindi kasama rito ang chief of staff at commanding generals ng 3 major services at superintendent ng Philippine Military Academy (PMA), na magreretiro kapag tapos na ang kanilang termino o kung sibakin siya ng Pangulo.
Mula sa fixed term ng 14 na opisyal sa ilalim ng RA 1170, sa inaprubahang panukala ay ibinaba na lamang ito sa 5 key officers, kabilang dito ang 3 taon para sa AFP Chief of Staff; 2 taon sa commanding general ng major services at PMA superintendent.
“I hope that this measure will usher improved morale for our soldiers and officers of the Armed Forces of the Philippines. It sends a clear message that this Senate, their Senate, is one with our gallant soldiers and heroes as they perform their noble duty of protecting and defending our beloved country against aggressors and enemies,” saad ni Sen. Jinggoy Estrada.
Si Estrada ang principal author at sponsor ng SB 1849 na nag-aamyenda RA 11709.
Ang vice chief of staff, deputy chief of staff, unified command commanders, at inspector general ay aalisin na sa may fixed term ng tatlong taon.
Para maging kwalipikado naman sa appointment o promotion sa pagiging brigadier general o commodore o mas mataas na puwesto, dapat may nalalabing isang taon pa sa serbisyo ang opisyal bago ang compulsory retirement.
Ginawa ito para matigil ang “photo finish” promotions ng generals at flag officers na kahit ilang buwan na lang sa serbisyo ay napopromote pa.