BINIGYAN ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Maritime Industry Authority (MARINA) na i-standardize ang maritime sector ng Pilipinas upang matiyak ang pagtalima ng bansa sa international standards.
Ang kautusan ay ginawa kasabay ng pulong ni Pangulong Marcos kaugnay ng Maritime Industry Development Plan (MIDP) 2028 sa Malacañang Palace nitong Enero 17.
Tinalakay sa meeting ang mga solusyon sa mga kinakaharap na hamon sa industriya.
Pinag-usapan din ang mga repormang lehislatibo para sa kaunlaran ng maritime industry at dagdag na pamumuhunan dito.
Sa meeting, sinabi ni Pangulong Marcos na ang estandardisasyon ng mga operasyon sa maritime industry ang unang hakbang tungo sa pagpapatupad ng mga reporma sa industriya.
Sa inilatag namang presentasyon ni MARINA administrator Sonia Malaluan, hiniling niya ang pag-apruba ng Pangulo ng updated na MIDP 2028.
Nilalayon ng naturang development plan na bumuo ng isang malakas at maaasahang Philippine Merchant Fleet, na tumutugon sa sea requirements ng bansa bilang suporta sa national development agenda.
Kabilang sa mga pangunahing programa nito ay ang modernisasyon at pagpapalawak ng domestic shipping ng Pilipinas; promosyon at pagpapalawak ng Philippine overseas shipping; modernisasyon ng Philippine shipbuilding at ship repair industry; at promosyon ng highly skilled Filipino at competitive maritime workforce.
Gayunman, napansin ng Pangulo na marami sa mga patakaran at operasyon sa maritime industry ay hindi na ginagamit dahil sa kawalan ng unified system.
Kaya naman, ani Pangulong Marcos, kailangan munang magkaroon ng standardized system alinsunod sa mga international system bago maipatupad ang mga iminungkahing programa.
Samantala, inilahad ni Pangulong Marcos na kasalukuyan nang tinatapos ng pamahalaan ang MIDP 2028, sabay tiniyak na pinaprayoridad nito ang kapakanan ng mga Pilipinong marino.
Sa agarang pagkumpleto nito, ginarantiyahan ng Malacañang ang epektibong pagpapatupad ng proyekto at ang international recognition para sa mga kwalipikasyon ng mga marino.
Itinatag ang MARINA noong Hunyo 1974 na layong pagsamahin ang pag-unlad, promosyon at regulasyon ng maritime industry sa Pilipinas.
Kabilang sa pangunahing layunin ng ahensiya ang pamunuan ang isang progresibong maritime administration na nagsisiguro ng kaligtasan at seguridad ng buhay at ari-arian sa dagat, proteksiyon ng marine environment at global competitiveness ng Filipino maritime workforce.