Pag-apruba ni PRRD sa ipamamahaging financial assistance sa panahon ng ECQ, pinasalamatan ni Senator Go

Pag-apruba ni PRRD sa ipamamahaging financial assistance sa panahon ng ECQ, pinasalamatan ni Senator Go

NAGPAABOT ng pasasalamat si Senator Bong Go kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong aprubahan ang pagkakaloob ng financial assistance sa mga kababayang labis na maaapektuhan ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula Agosto 6 hanggang 20 sa National Capital Region (NCR).

Binigyang tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela ni Senator Go na mabigyan ng financial assistance ang mga apektadong Pilipino na labis na maaapektuhan ang kabuhayan sa ipatutupad na ECQ.

‘’Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte sa pagtugon sa ating apela na magbigay ng ayuda sa mga pinakamahihirap na maaapektuhan ng ECQ sa NCR,” ayon ni Go na siya ring chair ng Senate Committee on Health.

Panawagan ni Go sa Punong Ehekutibo na ipagkaloob ang financial assistance na ito para sa mga mahihirap na nagkakahalaga ng P1,000 kada kwalipikadong indibidwal sa NCR na may maximum na P4,000 kada household.

“Ito naman po ako bilang Senador ay nananawagan po ako sa Executive department na kung saka-sakaling matuloy na po ang ECQ ay siguraduhin po nilang may maibigay po sa mahihirap,” pahayag ng senador.

“Sa pamamagitan ng ayudang ito, matutulungan natin ang mga mahihirap nating kababayan na maitawid ang kanilang pamilya habang apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa ECQ, lalo na ang mga daily wage earners at mga isang kahig, isang tuka,”dagdag nito.

Apela ng Senador sa mga Local Government Units (LGU) sa NCR na tiyaking maipamamahagi agad ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo sa isang maayos, mabilis, at ligtas na paraan na walang halong katiwalian.

‘’Dahil direktang ida-download ang mga pondo sa mga LGU sa NCR, ang apela ko naman sa mga lokal na pamunuan ay siguraduhing maibibigay kaagad ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo sa isang maayos, mabilis at ligtas na paraan na walang katiwalian,”sinabi ni Go.

“Magpapatupad ng ECQ sa NCR upang maagapan ang problema at maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Kumbaga, nais nating patayin ang sunog bago ito maging “out of control”. Pero kasabay nito ay kailangan din nating maagapan ang hirap at maiwasan ang gutom sa ating mga komunidad,”dagdag nito.

Tiniyak naman ni Go na handa ang gobyerno na harapin ang hamon ng pandemya kaakibat ang kooperasyon at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino sa labang ito para sa kapakanan ng bawat isa.

“Katulad ng sinabi ko dati, magtiwala po tayo sa gobyerno dahil lahat naman ng hakbang natin, pangunahing isinasaalang-alang ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino,”ayon nito.

Tanging pakiusap lang ni Go sa publiko na sumunod sa mga patakaran at magpabakuna na bago maging huli ang lahat dahil ang disiplina at kooperasyon ang makapagliligtas ng buhay, maliit na  sakripisyo ngunit ang katumbas ay mga buhay na mapoproteksyunan laban sa mapaminsalang virus.

“Huwag nating hayaang may mapapabayaan dito. Importante habang tuloy-tuloy ang pagbabakuna ay ‘wag tayo magpaka-kumpiyansa. Ulitin ko, wag nating sayangin ang momentum ngayon ng ongoing vaccine rollout at sa pagbalanse ng kalusugan at ekonomiya,”ayon kay Senator Bong Go.

SMNI NEWS