IKINADISMAYA ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pag-aresto ng kinatawan ng House of Representative kay Police Colonel Hector Grijaldo.
Aniya, paglabag sa karapatang pantao ni Col. Grijaldo ang ginawa ng House of Representative kahit siya ay nasa ospital matapos sumailalim sa operasyon sa balikat.
Sa kabila pa ng pakiusap na mailagay ito sa hospital arrest kahit saang ospital gugustuhin ng HOR ngunit ikinulong pa rin si Col. Grijaldo sa silid kung saan ikinulong si Atty. Zuleika Lopez nang walang natatanggap na atensiyong-medikal.
Ayon kay Sen. Bato, kung siya ang PNP chief ay hindi niya papayagan na dumanas sa kawalan ng hustisya ang kaniyang mga tauhan lalo na kung ito ay naninindigan sa tama at katotohanan.
Kinuwestyon din ni Sen. Bato kung nararapat bang maranasan ng isang men in uniform ang ganitong klase ng pagtrato mula sa Kamara.
Matatandaan din na sa pagdinig ng Senado ay binunyag ni Grijaldo na personal siyang kinausap ni Quadcomm Vice Chair Cong. Dan Fernandez para kumpirmahin ang sinasabing reward system sa drug war ng Duterte admin.