MULING dumepensa ang Malakanyang kaugnay ng pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa pamamagitan ni PCO Usec. Claire Castro, itinanggi ng Palasyo na may kinalaman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang isyu at iginiit na legal ang proseso.
Ngunit para kay Atty. Salvador Panelo, dating Chief Presidential Legal Counsel, malinaw ang ilegalidad ng naturang hakbang. Tinawag pa niya si Castro na “bulag” sa malinaw na paglabag ng gobyerno.
“Itong si Aling Klara, nabigyan lamang ng posisyon ay wala—bulag, bulag na bulag. Pinagtatanggol niya ang napaka-obvious, maliwanag na paglabag,” ani Atty. Salvador Panelo, Dating Chief Presidential Legal Counsel.
Paliwanag pa niya, hindi na sakop ng hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) ang Pilipinas mula nang umatras ito sa Rome Statute noong 2019.
“Aling Klara, bakit kamo may kinalaman? Sapagkat isang mamamayang Pilipino ang isusuko mo sa isang dayuhang hukuman na wala namang hurisdiksyon dito sa ating bansa… So, kung walang hurisdiksyon, eh ‘di ilegal ang ginawa nilang pag-iisyu ng warrant of arrest,” dagdag pa niya.
Hindi rin pinalampas ni Panelo ang papel ni Claire Castro bilang tagapagsalita ng Malakanyang. Aniya, kung hindi kayang magsalita nang patas at may integridad, mas makabubuting magbitiw na ito.
“Kaya Aling Klara, kung nahihirapan ka at nagmumukha kang kawawa, nagmumukha ka tanga tuloy sa mga paliwanag mo—eh umalis ka na lang diyan… Sayang, abogado ka pa naman,” ayon kay Panelo.
Dagdag pa niya, ang integridad ng isang abogado ay mas mahalaga kaysa sa pagsunod sa dikta ng anumang administrasyon.
“Sapagkat ang integridad ng isang abogado ay yumayakap sa kanya at dinadala siya kahit saang panig ng mundo siya pumunta… ‘Pag ang reputasyon mo bilang abogado ay masama, kahit saan ka pumunta, masama ‘yan,” mariing giit ni Panelo.