NANINIWALA ang isang political analyst na mayroong layunin na madaliin ang pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Netherlands upang agad siyang litisin kaugnay ng kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Dr. Froilan Calilung, maliwanag na panggigipit at pangha-harass ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo noong Marso 11.
“Because the procedural requirement was never realized, and it was not at all observed,” saad ni Dr. Froilan Calilung, Political Analyst.
Dagdag pa ni Calilung, palaisipan kung bakit kailangang manghimasok ng isang foreign body kung may gumaganang judicial system naman sa bansa.
Matatandaang ilang beses nang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipag-cooperate ang Philippine government sa International Criminal Court (ICC), ngunit aniya, tila taliwas ito sa mga nangyayari ngayon.
Binanggit din ni Dr. Calilung na ang pag-aresto kay Duterte ay paglabag sa karapatan ng isang Filipino citizen, lalo na ng isang dating pangulo. Wala rin aniyang konsiderasyon sa kaniyang kondisyon at edad.
“And I think this is something na hindi talaga katanggap-tanggap sa kultura nating mga Pilipino. Kaya maaaring ito rin ang dahilan kung bakit may galit, inis, at pagkadismaya ang ating mga kababayan sa nangyayari sa ating bansa ngayon,” dagdag ni Calilung.
Sa gitna ng patuloy na kilos-protesta ng mga taga-suporta ni Duterte sa iba’t ibang bahagi ng bansa, sinabi ni Calilung na may mataas na posibilidad na maulit ang EDSA People Power Revolution.
Ito’y lalo na’t hindi umano nakokontrol ang damdaming ipinapahayag ng publiko sa umano’y ilegal na pagka-aresto sa dating pangulo.
“It may create some sort of a critical mass, which could, in effect, catapult into a large-scale conflict later on, as in the case of the EDSA revolution,” giit nito.
Gayunman, paalala ni Calilung, dapat manatiling maingat sa pagsasagawa ng mga pagtitipon upang mapanatili ito sa loob ng legal na balangkas.
Aniya, kung mauuwi sa karahasan ang mga kilos-protesta, maaaring magamit ito ng kasalukuyang pamahalaan bilang dahilan upang magdeklara ng Martial Law bunsod ng lawless violence.
“And certainly, it will complicate the matter even more…” aniya.