Pag-avail ng 20% discount ng senior citizens at PWDs sa MRT-3, pinabilis na

Pag-avail ng 20% discount ng senior citizens at PWDs sa MRT-3, pinabilis na

KASUNOD ng papalapit na pagtatapos ng programang ‘Libreng Sakay’ sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), hinimok ng pamunuan ang mga senior citizen at PWD na kumuha ng concessionary card.

Ito ay upang mas mapadali ang pagkuha ng diskwento sa pamasahe sa MRT-3 gamit ang kanilang senior citizen at PWD concessionary card.

Paliwanag ni MRT-3 director for operations Michael Capati na makakakuha pa rin ng discount ang mga senior citizen at PWD kahit walang concessionary card.

Pero aniya mas mapadali lamang ang pagkuha nila ng discount sa pamamagitan ng nasabing card.

“Kumbaga yung concessionary card is for convenience. Halimbawa wala silang concessionary card, bibili sila ng ticket sa area natin, discounted pa rin sila. Kailangan i-present pa nila yung mga ID nila, etc. Pero ito kasing concessionary, hindi na sila dadaan doon basta loloadan lang nila. Pagtap nila sa entrance natin, ang made-deduct sa kanila is already discounted,” ayon kay Capati.

Lahat ng mga pasaherong edad 60 pataas at mga pasaherong may kapansanan ay maaaring makakuha ng espesyal na concessionary card sa MRT-3.

Upang makakuha ng card, kinakailangan lamang magpresinta ng original at photocopy ng senior citizen o PWD ID at punan ang Concessionary Registration Form.

Isusumite ang mga nasabing dokumento sa Commuter Welfare Desk o  Teller’s Booth ng anumang MRT-3 station.

May one-time issuance fee na P30.00 na babayaran.

Kadalasang nasa 7-10 araw ang processing ng concessionary card.

Kapag nakuha na ang card, maaari na itong pasukan ng load upang magamit sa MRT-3 at matanggap ang 20% diskwento sa pamasahe.

Samantala, sa huling datos ng MRT-3 umabot na sa higit 23 milyong pasahero ang naserbisyuhan ng ‘Libreng Sakay’ program.

“Actually ang libreng sakay po natin ay mula noong nagsimula tayo noong March 28 hanggang June 15, on the record is more than 23 million na po ang ating naserbisyuhan. And we still encourage them na subukang sumakay. Libre pa tayo hanggang June 30. Yun lang ang pakiusap lang namin is magcomply tayo sa health protocols,” ayon kay Capati.

 

Follow SMNI News on Twitter