HINDI pa makapag-desisyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung kailangan na bang i-delist o tanggalin si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez bilang isang Marine reservist matapos itong manawagan sa mga sundalo na bawiin ang suporta ng mga ito sa administrasyong Marcos.
Sa panayam ng media kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, pag-aaralan pa nila ang mga posibleng hakbang bilang isa sa mga reserve force ng bansa.
“Kung ano po ‘yung policies, rules and regulations of the Armed Forces will apply to him. So, we will look into that if something is going to be filed against him or anything. So, we will look at regulations po where it will fall into place, we will rear that to our jago sila po ang mas makakapagsabi kung where will that fall in terms of regulations,” ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
AFP, wala pang natatanggap na reklamo laban kay DavNor Rep. Alvarez kaugnay sa panawagang pagbawi ng suporta ng AFP vs PBBM
Pero paliwanag ng Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, mayroon na silang mga kahalintulad na kaso na hindi pasok sa standard ng pagiging isang reserve officer na napatawan ng delistment o pagkakatanggal bilang isang reservist.
Sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na reklamo laban sa kongresista sa mga tinuran nito noong linggo sa gitna ng libu-libong dumalo sa Defend the Flag Rally sa Tagum City, Davao del Norte.
Nauna na ring humingi ng dispensa ang kongresista sa mga sinabi nito sa rally na aniya’y dala ng kaniyang emosyon at malasakit sa bayan. Hindi raw kasi niya kayang isipin na maisasakripisyo ang mga Pilipino dahil sa nakaambang giyera dulot ng tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).
“Pasensiya na, nadala rin ng bugso ng damdamin. Mahal ko ang Pilipinas, lalo na ang Mindanao. At paano ako tatahimik, tingnan niyo nangyayari. Kinakaladkad tayo ng Malacañang papunta sa digmaan kahit na ang China ay mauunahan na ang Amerika pagdating sa ekonomiya, teknolohiya at lakas ng militar. Hindi iyan katanggap-tanggap, may nuclear weapons sila, kaya rin nila magpaputok at hindi tayo makakapalag. Maraming Pilipino ang mamamatay. Ubos tayo,” pahayag ni Rep. Pantaleon Alvarez, 1st District, Davao del Norte.
“Sa reservist mayroon din tayong tinatawag na delisting and it also happens, marami na tayong ginagawang ganyan sa reserve force on breach of discipline that they have not met the following standards that they require. So, these are parts and of course hindi natin masabi kung ano pa ‘yung other punishment that can be bestowed on that person. Unless we have discussed the particular offense or what he just committed. But then again, I think the DOJ has been already asked about his action, it’s being looked into by the DOJ,” ayon kay Col. Xerxes Trinidad, AFP.
“There are no filed cases against the person. So, there will be no investigation and there will be no particular actions,” dagdag pa nito.
Sa panig ng PNP, hihingin pa nila ang panig ng kanilang legal team kung maituturing nga bang “seditious” o isang hakbang ng panghihimok ng rebelyon laban sa pamahalaan ang ginawa ni Alvarez.
“We will see, we will monitor kung ano ang magiging sitwasyon in terms of peace and security pero sana nga ay meron naman tayong duly constituted authorities at respetuhin ‘yong mga elected officials at so far wala naman basehan sa ngayon para mag-alis or mag-withdraw tayo ng suporta sa duly constituted authorities at ‘yan naman sana ay igalang ng lahat,” ayon kay Col. Jean Fajardo, PNP-PIO.
Ang malinaw sa ngayon, parehong nanindigan ang AFP at PNP na mananatili silang tapat sa Konstitusyon at sa sinumpaan nilang tungkulin na protektahan ang Pangulo bilang kanilang Commander-in-Chief.
“Let us spare ‘yung uniformed personnel sa mga ganitong mga usaping political,” ani Fajardo.
“On part of the AFP po we remain committed, of course to our Constitution. As our Chief of Staff has been saying, the Armed Forces is united and professional and we are non-partisan,” ayon naman kay Padilla.