SANG-ayon ang Malakanyang sa mungkahi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapadala ng libu-libong mga healthcare worker sa United Kingdom at Germany kapalit ng COVID-19 vaccines.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kabila ng nakabili na nang sapat na COVID-19 vaccine ang bansa para sa mga mamamayan nito na aniya ay, “more is better than less.”
Gayunpaman, nilinaw ni Roque na hindi pa naisangguni kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang planong pagpapadala ng healthcare workers kapag payag ang dalawang bansa na mag-donate ng COVID-19 vaccines.
“The President was not informed of this proposal as far as I know,” ayon kay Roque.
“Hindi po ito ideya ng Presidente, ideya po ito ni Secretary Bello at Secretary Locsin na wini-welcome din natin because more is better than less,” aniya pa.
Tiniyak naman ni Roque sa publiko na nakabili na ang gobyerno ng sapat na COVID-19 mula sa iba’t ibang drugmakers.
“As far as the President is concerned, we have ordered more than enough (dosis ng bakuna),” ani Roque.
Welcome din aniya ang karagdagang dosis ng COVID-19 vaccine.
“Nag-order po tayo. Sapat, sobra-sobra pa nga po. Mga 90 million pa nga po in-order natin. Sinobrahan na natin. Pero siyempre kung mas marami pang supply ang makukuha natin, bakit hindi,” saad ni Roque.
Matatandaan na niluwagan na ng DOLE ang deployment ng Filipino healthcare workers sa ibang bansa ngunit may limit naman sa deployment na hanggang 5,000 medical professionals lamang sa isang taon.
Samantala, walang plano ang UK na pumayag sa vaccine deal ng bansa ngunit bukas ito sa pagbahagi ng mga bakuna sa pamamagitan ng COVAX ng World Health Organization.
Plano ng bansa na makakuha ng 148 milyong dosis ng COVID-19 vaccine mula sa iba’t ibang supplier upang mabakunahan ang 50 milyon hanggang 70 milyong Pilipino o 2/3 ng populasyon ng bansa.