BINATIKOS ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-fact check ng Facebook kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. at DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
Nagtataka ang DILG kung bakit may lakas ng loob ang mga fact-checker ng Facebook na magbigay ng babala kay Esperon tungkol sa post nito noong ika-14 ng Abril kung saan hinikayat nito ang mga Pilipino na magkaisa laban sa mga komunistang terorista.
Dagdag pa ng DILG, hindi pinag-isipang mabuti ng Facebook ang pagbibigay ng babala kay Esperon na siyang nagbibigay impormasyon ukol sa seguridad ng mga Pilipino.
Bukod pa rito, sinabi rin ng DILG na nakababahala at delikado na ang fact-checking method ng Facebook kung saan sila-sila lang ang gumagawa ng standard.
Kinuwestyun din ng DILG ang pag-fact check nito sa mga opisyal ng gobyerno habang hinahayaan lamang ang iba.
Saad pa ng DILG, hindi lang dapat paglingkuran ng Facebook ang iilan at makapangyarihan kundi konsultahin din ang mga taong gumagamit nito na siyang dahilan kung bakit kumikita ang negosyo nito.
Hinikayat din ng DILG ang Facebook na pagtuunan lamang ng pansin ang layunin nito na tulungan ang mga tao na maging konektado at huwag nang maki-alam sa mga eksperto tungkol sa national security.