Pag-IBIG, nakipag-partner sa top transport network sa bansa; Raffle promo para sa delivery riders, inilunsad

Pag-IBIG, nakipag-partner sa top transport network sa bansa; Raffle promo para sa delivery riders, inilunsad

NAKIPAG-partner ang Pag-IBIG sa top transport network at app-based courier companies sa bansa.

Ito ay upang mailapit ang mga miyembro nito sa mga delivery rider nitong Mayo 25.

Inilunsad rin ang ‘Pag-IBIG Asenso Rider Raffle Promo’ para hikayatin ang Pag-IBIG Fund membership sa tinatayang 420,000 delivery riders sa bansa ngayon.

“Masayang-masaya kaming tanggapin ang mga delivery riders bilang bahagi ng lumalaking membership ng Pag-IBIG Fund. Higit sa lahat, sa pagiging miyembro ng Pag-IBIG, maaari silang maka-avail ng affordable home financing sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na naglalayong magkaroon ng 6 na milyong housing units sa mga pamilyang Pilipinong kulang sa serbisyo pagsapit ng 2028. Ito ay kabilang sa aming maraming pagsisikap upang malutas ang backlog ng pabahay sa bansa at bigyang-daan ang mas maraming Pilipino at kanilang mga pamilya na magkaroon ng sariling tahanan,” ani Sec.  Jose Rizalino L. Acuzar, DHSUD, Head.

Ang Pag-IBIG Fund ay pumirma ng mga kasunduan sa transport network at app-based courier companies Angkas, Food Panda, Grab, Lalamove at Pick A Roo.

Sa mga kasunduan, ang mga delivery riders ng nasabing mga kompanya ay magkakaroon ng mas mahusay na access sa mga benepisyo ng Pag-IBIG Fund na kinabibilangan ng Regular at MP2 Savings programs nito na nagbibigay ng competitive returns, at ang abot-kayang home loan program nito para makabili sila ng sarili nilang bahay.

Samantala, nagpahayag naman ng optimismo si Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na magpapatuloy ang membership ng Pag-IBIG Fund na lumago, lalo na sa espesyal na raffle promo ng ahensiya para sa mga delivery riders.

“Mayroon na ngayong 15.25 milyong manggagawang Pilipino na aktibong miyembro ng Pag-IBIG, na siyang pinakamataas mula noong pandemya. At, sa Pag-IBIG Asenso Rider Raffle Promo, umaasa kaming hikayatin ang mas maraming delivery riders na maging miyembro para mas marami pang manggagawang Pilipino ang mabigyan namin ng secure na savings program at abot-kayang home financing.”

“Naniniwala kami na ang aming mga delivery riders, na ang serbisyo at tiyaga ay naging mahalaga sa aming pang-araw-araw na buhay, lalo na sa panahon ng pandemya, ay nararapat sa pinakamahusay na maiaalok ng Pag-IBIG Fund,” dagdag ni Acosta.

Follow SMNI NEWS in Twitter