IPINAGPALIBAN ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mga balota para sa eleksiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa anunsiyo ni COMELEC Chairman George Garcia, ito ay dahil sa desisyon ng Bicameral Conference Committee na ilipat ang eleksiyon sa Oktubre 13, 2025.
Dagdag pa ni Garcia, mataas ang posibilidad na mailipat ang BARMM elections dahil may enrolled bill na at magiging panukalang batas na ito.
Matatandaan na noong Pebrero 24, inaprubahan na ng Senado ang panukalang ilipat ang May 2025 BARMM elections sa Oktubre 13.
Dahil dito, patuloy na pamumunuan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang interim government ang BARMM.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na ipinagpaliban ang eleksiyon sa BARMM, matapos itong i-postpone noong Mayo 2022 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang Bangsamoro ay binuo noong taong 2019 sa ilalim ng administrasyong Duterte.