SIMULA Hulyo 16-17, 2024 isasagawa na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang huling hakbang ng pag-install ng 6 na bagong cooling towers na nakaskedyul mula 9:00 PM – 9:00 AM sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Kung saan ikokonekta ang bagong cooling tower piping sa main piping lines ng chiller plant.
Para magawa ito, ang centralized cooling system ay pansamantalang i-shut down upang mapadali ang mga pagtra-trabaho.
Layon ng MIAA na pahusayin ang air cooling system sa NAIA Terminal 3, upang lutasin ang mga natatanggap na reklamo hinggil sa hindi sapat na lamig sa paliparan.
Sinabi ng MIAA, unang bahagi ng taong ito, ang MIAA ay namuhunan ng mga bagong cooling tower kung saan ilalagay ang imprastraktura ng piping, sa gayon ito ay para mag-upgrade at mapabuti ang overall system ng air conditioning system sa Terminal 3.
Sa mga oras na isasagawa ang installation, tanging mga bentilador at blowers ng mga air conditioning unit ang i-operate upang paganahin ang sirkulasyon ng hangin sa iba’t ibang lugar.
Dahil dito maaring hindi magbigay ng sapat na temperatura para mabigyan ng kaginhawaan ang mga pasahero.
Upang mabawasan ito, ang mga stand-alone air conditioning unit ay ilalagay sa iba’t ibang lugar ng terminal para sa spot cooling bilang backup.
Kapag ang mga bagong cooling tower ay ganap nang naisama sa chilled water system, inaasahang unti-unti nang maibabalik sa normal at mas mahusay na operasyon ang mga air conditioning unit.
Sa loob ng 12 oras na downtime, kabilang ang maaapektuhan na lugar ang check-in counters, immigration departure, final security checks para sa domestic at international flights, baggage carousels for international and domestic arrivals, at ang arrival lobby.
Humigit-kumulang 27,000 paparating at papaalis na mga pasahero katumbas sa 117 flight ang maaaring makaranas ng kakulangan sa ginhawa dahil sa pagbaba ng sirkulasyon ng hangin sa panahon ng 12-oras na interruption.
Ang medical team ng MIAA ay magiging alerto at handang tumugon sa anumang medical emergency.
Humihingi ng pang-unawa at kooperasyon si MIAA General Manager Eric Jose Ines sa lahat ng gumagamit ng paliparan sa panahon ng pansamantalang shut down.