Pag-regulate sa pagbili at pagbenta ng sasakyan, kailangang balansehin—MMDA

Pag-regulate sa pagbili at pagbenta ng sasakyan, kailangang balansehin—MMDA

HUMIGIT-kumulang 80,000 na bagong sasakyan ang pinaparehistro kada buwan sa buong Pilipinas ayon sa Land Transportation Office (LTO).

40% sa bilang na iyan o halos 32,000 na mga sasakyan ay mula sa Metro Manila.

Pero ‘yun lang at karamihan sa mga ‘yan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ay walang sariling parking spaces.

At ang malinaw na pagdami ng mga sasakyan nga ang nakikitang dahilan kung bakit patuloy ang pagsikip ng mga lansangan partikular na sa Metro Manila.

Kaya panahon na ba para i-regulate ang pagbili ng mga sasakyan?

“Siguro dapat na kasi traffic na talaga eh. Bawas-bawasan na ‘yun. Gumawa ng batas para kumonti yung sasakyan,” ayon kay Chris Cantila, Driver.

“Kailangan na talagang i-regulate iyan kasi lalo na ‘yung mayayaman maraming kotse. Di ba? Sa isang bahay nila ang dami nilang kotse. Samantala kaming jeepney driver andami naming naisasakay sila tig-iisang tao lang bawat kotse. Kailangan nang kontrolin ‘yung pagbebenta ng mga ganyan,” ayon kay Roel Alba, Jeepney Driver.

“Wala nang kalsada dito kahit anong luwag mo, wala talaga eh. Kasi ‘yung isang pamilya lahat iyan may sasakyan bawat isa. Mayroon pang reserba pangcoding. Kaya lalong sumisikip, hindi talaga nababawasan, nadadagdagan pa,” wika ni Renante Dumangas, Driver.

Pero ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, ang pag-regulate sa pagbili at pagbenta ng mga sasakyan ay kinakailangang balansehin.

“’Yung sa pagbili naman ng sasakyan, kailangan rin po kasing balansehin niyan between trade kasi may epekto rin iyan sa economy kung ipagbabawal mo,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Mass transport projects, dapat matapos para mahikayat ang publiko na gumamit ng public transport

Naniniwala si Artes na maayos na mass transportation ang solusyon sa problema sa trapiko.

“At the same time, siguro kailangan munang matapos ‘yung mga rail system na or mass transportation na ginagawa para masabi ng pamahalaan na huwag na kayo gumamit ng kotse dahil conveniente na ang paggamit ng pampublikong transportasyon,” saad ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Bago matapos ang 2028, ilang proyekto ng Department of Transportation ang nakatakdang matapos kabilang na ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway, MRT 7, at LRT 1 Cavite Extension.

Bagong working schedule sa mga LGU, ipatutupad sa Mayo

Samantala napagkasunduan naman ng Metro Manila Council na ang pagpapatupad ng bagong working hours sa mga lokal na pamahalaan na 7AM – 4PM ay sisimulan sa susunod na buwan, Mayo 2.

Ito ay inilipat mula sa unang napagkasunduan na Abril 15.

“Ang naging opinion ng iba, let’s give the public more time to know that there will be a shift,” ani Mayor Francis Zamora, President, Metro Manila Council.

“Mas mabuti bigyan talaga ang ating mamamayan ng sapat ng panahon para mag-adjust. Ayaw kais natin na pagpunta nila, mayroon pa lang pagbabago sa oras hindi namin alam,” dagdag ni Zamora.

Ang bagong working hours ay bilang tugon sa matinding trapiko na kasalukuyang nararanasan sa Metro Manila.

Sabi ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na karaniwan sa mga opisinang magpapatupad ng bagong time schedule ay gaya ng Treasury at Business permits and licensing offices.

“Pwera doon sa 7 to 4, if the mayors feel they have to implement flexi time schedules that or feasible to their LGUs pwede naman po iyan. Pero in general po 7am to 4pm po tayo,” dagdag ni Zamora.

Bagong working schedule sa mga LGU, malaking tulong sa mga commuter

Sa datos na ibinahagi ng MMDA, nasa 645,000 ang empleyado ng gobyerno sa Metro Manila.

Sa bilang na iyan, 22% o 140,000 ang may sasakyan.

Kaya bukod sa traffic, malaking bagay rin ang bagong working schedule sa mga commuter ayon kay Artes.

“On the part naman sa private sector, ‘yung mga commuters, imaginin mo ‘yung kalahating milyong pasahero ang mababawas na kaagaw nung pribadong sektor sa pampublikong transportasyon.”

“Malaki po talagang iluluwag niyan sa pampublikong transportasyon,” dagdag ni Artes.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble