PINURI ng kalihim ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil sa pagsasaprayoridad ng Bangsamoro.
Inihayag ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez na matagal nang panahon na ang Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay nagkahiwa-hiwalay.
Subalit sa ilalim ng administrasyong Marcos, nagkaisa sila sa pagsusulong ng sustainable peace and development sa Bangsamoro.
“Napakaganda po nito, very historic po ito. Unang-una, ito lang po sa unang pagkakataon na napakatagal na naghintay tayo na ma-unify ang MILF at saka MNLF since 1976,” pahayag ni Galvez.
Saysay ni Galvez, sama-sama rin aniyang nanumpa sa Pangulo ang paksyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) – iyong Misuari, Jikiri at ang Sema faction, kaya tinawag ito ng kalihim na United Bangsamoro Transition Authority (BTA).
“Very historic in a sense that ito rin ang nakita natin na nagsimula ang peace process sa panahon ng ating Ferdinand Marcos Sr. at ngayon po ay nakita natin na parang, ang sinasabi nga na very poetic na nakita natin iyong ginawang oathtaking noong Friday ay another Marcos po ang nag-oathtaking. At ito po ay napakaganda na parang symbolism na we started from Marcos, President Marcos, and we ended up with the son, the President Marcos Jr.,” ani Galvez.
Idinagdag pa ng kalihim na nakikita rin nito na talagang napakaimportante para sa Pangulo ang magkaroon ng katahimikan sa Mindanao.
“At sinasabi nga po ng ating mahal na Presidente na siya ay handang tumulong sa ating Bangsamoro Transition Authority (BTA) para mapadali po ang lahat ng mga gawain po nila. Ako nga po ay binigyan ng personal na instruction ng ating mahal na Presidente. Ang sabi niya: ‘‘‘Sec. Charlie, tulungan mo po sila,’”aniya pa.
Sa kabilang dako, inihayag ni Secretary Galvez na nais ni Pangulong Marcos na mapataas ang antas ng edukasyon sa Mindanao partikular sa BARMM.
Bukod sa edukasyon, nais din ng Punong Ehekutibo na magtuluy-tuloy ang economic recovery kung saan talaga aniyang makatutulong ang Mindanao.
Ito’y dahil ang Mindanao aniya ay isang future food basket na puwedeng tumulong para sa food security ng bansa.
Para naman sa pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month sa susunod na buwan ng Setyembre ay ibinahagi ni Secretary Galvez ang mga programa o proyektong inihahanda ng OPAPRU para sa nalalapit na selebrasyong ito.
Aniya, sunud-sunod ang mga aktibidad sa okasyong ito sa buong bansa.
“Ang atin pong theme for this year celebration ay iyong “Pagkakaisa at Paghilom: Isang Bansa para sa Kapayapaan.” Ito po sa Ingles ay “Unity and Reconciliation: One Nation for Peace”. Ito po ay naaayon sa ating call ng ating mahal na Pangulo ng unity. At ang inaano po namin dito, baka dito mai-celebrate din po iyong first inaugural presentation ng BTA, iyong tinatawag na inaugural session,” ayon kay Galvez.
Iimbitahan naman ang lahat ng commanders at lahat ng Moro fighters para sa gagawing programa sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Setyembre 30.
“So, iyon po ang gagawin po natin, it is a month-long activity, kasama na rin po ang Marawi Rehabilitation at kasama na rin po iyong ating pag-visit sa mga different camps, para at least maipakita po natin na iyong ating mga combatants ay gumaganda na po ang kanilang kalagayan,” ani Galvez.
Sinabi rin ni Secretary Galvez na iimbitahan din nila si Pangulong Marcos para pangunahan ang naturang okasyon sa katapusan ng Setyembre.