Pag-unlad ng Pilipinas nalalagay sa alanganin dahil sa krisis pampolitika—ekonomista

Pag-unlad ng Pilipinas nalalagay sa alanganin dahil sa krisis pampolitika—ekonomista

DAHIL sa patuloy na kaguluhan sa politika, unti-unting nalalagay sa panganib ang kinabukasang pang-ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon sa isang ekonomista, sa halip na pagtuunan ng pansin ng administrasyon ni Marcos Jr. ang mga isyung may direktang epekto sa kabuhayan ng mamamayan, politika pa rin ang kanilang pinagkakaabalahan.

Tila nalilihis na umano ang atensiyon ng publiko mula sa mga tunay na isyung dapat bigyang pansin—ang mga usaping pang-ekonomiya na mas direktang nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino.

Batay sa pinakahuling ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), tinatayang nasa 6% hanggang 8% ang inaasahang paglago ng ekonomiya ng bansa sa taong 2025 at 2026.

Gayunpaman, ayon sa ekonomista na si Dr. Michael Batu, patuloy na humaharang sa ganitong inaasahang progreso ang umiigting na tensiyong pampolitika—na aniya’y tila sugat na likha mismo ng kasalukuyang administrasyon.

Isa sa mga tinukoy niyang halimbawa ay ang kontrobersiyal na hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isuko si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).

“Nangyari pa ngayon nagkakaroon ng political uncertainty sa Pilipinas because of what is going on, kumbaga itong ginagawa ni Marcos Jr. sa pagdadala kay Pangulong Duterte sa The Hague parang self-inflicted wound ito kumbaga parang sinaktan mo ‘yung sarili mo, and that is a figure of speech, ibig kong sabihin niyan is magko-cause ito ng uncertainty sa ating bansa na makakaapekto sa ekonomiya natin internally. So, kumbaga ‘pag sinama mo ‘yung political uncertainty na nakaka-cause ng pagtumal ng paglago ng ating ekonomiya,” paliwanag ni Dr. Michael Batu, Economist.

Dagdag pa ni Dr. Batu, ang kasalukuyang kalagayan sa politika sa bansa—na sinasabing epekto ng mga desisyon mismo ni Pangulong Marcos Jr.—ay nagdudulot ng pagkalihis ng atensiyon mula sa mga mas mahahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin ng kasalukuyang administrasyon.

“Ang nangyayari kasi because of politics parang nakakalimutan natin, nada-divert ‘yung isyu natin, ‘yung ating atensiyon doon sa talagang issues that matter to people. This is creation of Marcos Jr. self-inflicted wound nga, he created this, and now the attention has diverted into the political issues. But then again, mas mahalaga ‘yung mga economic issues na na-identify nga ito ni VP Sara,” dagdag niyang paliwanag.

Ito aniya ang dapat na pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno.

Bilang tugon sa epekto ng mga suliraning ito, hinikayat ni Dr. Batu ang publiko na maging aktibo sa pagpapahayag ng kanilang saloobin at panawagan sa pamahalaan.

“What people can do is to actually demand their leaders to do something about the economy. Kailangan iparating natin sa kanila ‘yung ating mga reklamo, na parang napapabayaan na ang isyu. Ano ba ‘yung mga issue, there’s poverty, there’s corruption, there’s hunger, ‘yung sahod hindi kaya para masustain ‘yung kanilang gastusin sa araw-araw,” aniya pa.

“Kaya nga tayong mga Pilipino, mga kababayan ko dyan, kailangan ipaalam natin sa ating mga namumuno, ipaalam natin sa ating mga leader na ito po ‘yung kailangan nating solusyunan,” panawagan niya.

“Kumbaga kasi nagiging politika na lang tayo nakakalimutan na natin ‘yung issues that really matter to Filipinos,” pagbibigay-diin ni Dr. Batu.

Iginiit ni Dr. Batu na kung magpapatuloy ang ganitong klima ng krisis at kawalang-katiyakan sa politika, lalo pang mahaharap sa mabibigat na hamon ang ekonomiya ng bansa na posibleng magbunga ng mas matagal na pagbagal ng pag-unlad at dagdag na pasanin para sa sambayanang Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble