KUNG hindi pa nangyari ang pagsabog sa loob ng bahay sa Leon Fojas Street, Brgy. Sahud Ulan, Tanza, Cavite, hindi mabibistong pagawaan pala ito ng shabu.
Nangyari ito alas sais ng umaga ng Martes, Enero 28.
Ayon sa impormasyon, posibleng nasa kalagitnaan ng paggawa ng shabu nang mangyari ang pagsabog.
Napag-alaman na apat na tao ang diumano’y nagpapatakbo na sa nasabing small-scale laboratory na kinabibilangan ng isang Pinoy at mga dayuhan.
Batay sa kuha ng CCTV ng Brgy., nakita ang ilang suspek na agad na tumakas matapos ang pagsabog sa loob ng bahay.
Sa pagresponde ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, tumambad ang iba’t ibang uri o mga kemikal na sangkap at mga kagamitan sa paggawa ng shabu.
Ayon naman sa PNP Cavite, kanilang natuklasan na buwan pa ng Nobyembre noong nakaraang taon inupahan ang bahay habang patuloy naman ang imbestigasyon ng PNP sa insidente.